Sinibak na police major, aide-driver inaresto
Sa pagkawala ng beauty queen
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang sinibak na police major at kanyang aide-driver na pangunahing suspek sa pagkawala ng dating beauty pageant noong Oktubre 12, 2023 sa Balayan, Batangas.
Hindi na nakapalag ang dating police major na si Allan De Castro, 40 at kanyang aide-driver na si Jeffrey Arriola Magpantay, 34 nang isilbi ang warrant of arrest ng mga otoridad sa kaso ng pagkawala ng dating beauty pageant candidate na si Catherine Camilon sa Tuy, noong Oktubre 12, 2023.
Sina De Castro at Magpantay ay kinulong sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Setyembre 4, 2024 ni Hon. Jacqueline Hernandez Palmes, Presiding Judge ng Regional Trial Court, 4th Judicial Region, Branch 3, Batangas City.
Walang piyansang inirekomenda para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusado na nakalista sa Most Wanted Persons bilang rank no. 1 sa ilalim ng regional level sa Calabarzon region.
Inaresto ng mga elemento ng Balayan police operatives sa pangunguna ng hepe nito na si Lt. Col. Merlin Pineda si De Castro, at Magpantay, sa Barangay Caloocan, Balayan, Batangas noong Setyembre 14 at sinampahan ng kasong kidnapping, serious illegal detention sa Batangas Provincial Prosecutor Office at apat na iba pa noong Nob. 13, 2023.
Si De Castro ay na-dismiss sa serbisyo ng pulisya nitong Enero matapos magkaroon ng extra-marital affair sa nawawalang si Camilon. Nakalaya siya sa kustodiya ng pulisya sa Calabarzon police command matapos siyang tanggalin sa serbisyo.
Inamin ni De Castro ang pagkakaroon ng bawal na relasyon sa nawawalang guro ngunit nanatiling itinanggi tungkol sa umano’y pagkakasangkot niya sa pagkawala nito.
Iniulat na ibinasura ng prosecutor office ng Batangas ang mga reklamong kriminal laban kina De Castro, Magpantay at apat na john does, gayunpaman, agad na naghain ng apela ang CIDG4A para sa pagbasura ng mga reklamong kriminal.
- Latest