MANILA, Philippines — Binulabog ng bomb threat kahapon ng umaga ang gusali ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Roxas Boulevard sa Pasay City.
Kaniya-kaniyang labasan sa mga opisina ang mga kawani hinggil sa sinasabing nakatanim na bomba sa gusali ng DFA.
Natanggap ang ulat, alas-7:00 ng umaga ni Pasay City Police Station, chief P/Col. Samuel Pabonita, na nag-utos sa mga operatiba ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) at Special Weapon and Tactics (SWAT) Team na magtungo sa lugar upang suyurin ang bawa’t sulok ng tanggapan.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, nagmula ang impormasyon hinggil sa bomba na itinanim umano sa DFA building nang mag-email ang mga empleyado ng Philippine Embassy sa Canada.
Sa nasabing embahada ipinarating ang impormasyon na ipinabatid lamang sa DFA sa Pilipinas.
Negatibo naman sa anumang bakas ng bomba sa mga tanggapan matapos ang pagsuyod ng EOD at SWAT kaya’t pinabalik ang mga kawani alas-8:00 ng umaga. Paiimbestigahan umano ng intelligence security unit ng DFA ang insidente.