MANILA, Philippines — “Nabawasan ang bilang ng mga barko ng China sa West Philippine Sea (WPS)”.
Ito ang iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ayon sa kanilang datos mula September 10 hanggang 16 ng taong kasalukuyan kung saan, humigit kumulang 50 mga barko ng China ang nabawas.
Mula kasi sa dating 207 na naitala mula September 3 hanggang 9 ay nasa 157 na lamang ito ngayon.
Sa nabanggit na bilang ayon sa AFP, 123 dito ang Chinese Maritime Militia Vessels, pito ang mula sa People’s Liberation Army Navy (PLAN), at 26 dito ang Chinese Coast Guard vessels.
Partikular na nakapuwesto ang mga barko ng China sa mga features na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) gaya ng Bajo de Masinloc, Ayungin Shoal, Pag-asa Island, Lawak Island, Panata Island, Sabina Shoal, at Iroquis Reef.