MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Department of labor and Employment (DOLE) na posibleng hindi kayanin ng mga maliliit na employers sa bansa ang panukala sa Senado na P100 dagdag-sahod sa mga manggagawa,. “Medyo may kabigatan po. Dahil out of more or less one million na registered existing businesses sa atin, mahigit 900,000 ang nasa kategorya ng micro, small at medium enterprises,” paliwanag ni ayon Labor Secretary Bienvenido Laguesma.
Sinabi ni Laguesma na bukod sa P100 panukalang dagdag sa minimum wage kada araw, madaragdagan din ang mga benepisyo ng mga manggagawa na sasagutin ng mga employers.
Ngunit maaari rin naman aniya na iba-iba ang opinyon kung kakayanin talaga ng mga employers na masuportahan ang P100 dagdag-sahod.
Sa panig ng DOLE, mas tinitingnan umano nila kung paano mapapanatili ang mga negosyo, habang nakakalikha ng mga dagdag na trabaho at maraming bilang ng mga Pilipino ang makikinabang.
Kung mas marami umano ang trabaho na maiaalok ng merkado at mas mababa ang bilang ng mga naghahanap ng trabaho, dito susunod ang “market forces” kung saan mapipilitan ang mga employers na sumabay sa mga benepisyo para makakuha ng angkop sa kanilang empleyado.
Mas dapat pagtuunan din umano ang pagtulong sa ngayon sa mga maliliit na negosyo lalo na’t nanggaling ang mundo sa pandemya.