Homeless, isasama na sa ayuda - Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Mabibigyan na ng ayuda ang mga homeless o yaong mga nakatira lamang sa kalsada.
Ito ay makaraang mas palawakin pa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap na Filipino alinsunod sa nilagdaan nitong Executive Order No. 52.
Sa nasbaing EO, isinama ng Pangulo ang mga homeless na pawang sa mga kalsada lang nakatira sa mabebenepisyuhan ng “Pag-abot Program” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Layunin nito na mailayo ang mga homeless, street dwellers at iba pang mahihirap mula sa kalsada at matulungan na maging produktibong miyembro ng lipunan.
Ayon sa Pangulo, hindi lamang financial assistance ang kabilang sa assistance packages sa ilalim ng Pag-abot Program kundi mayroon ding relocation, transitory shelter assistance, livelihood at maging ng employment assistance habang magkakaloob din ng psychosocial support.
Sa ilalim ng EO, magkakaroon ng Inter-Agency Committee na titiyak sa implementasyon ng programa na pamumunuan ng kalihim ng DSWD habang magsisilbing Vice Chairman ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Idnagdag pa ng Pangulo na ang programa ay magbibigay ng katiyakan para sa epektibong pagbibigay ng serbisyo patahak sa pagsugpo ng kahirapan.
Nabatid na ang Pag-abot Program ay isa sa mga pilot programs ng DSWD na tutulong sa mga mahihirap.
- Latest