MANILA, Philippines — Kapwa nasawi ang magpakapatid na 4 at 3-anyos nang laslasin ang kanilang leeg ng cutter ng kanilang ina at pagkatapos naglaslas din naganap sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Kalaanan, Brgy. Pacheco, Magallanes, Cavite.
Kinilala ang magkapatid na duguang nakahandusay sa kanilang silid na sina Hope Julian Tapang, 4; at Clavy Jay Baniaga Tapang, 3.
Inoobserbahan naman sa pagamutan ang suspek na kanilang ina si Clarisse Tapang, 26, walang trabaho at residente din ng nasabing lugar makaraang maglaslas din ito sa leeg pagkatapos patayin ang mga anak.
Sa imbestigasyon ni P/Corporal Kervi G Lopez, alas-9:40 ng umaga ay natutulog pa ang magkapatid nang sila ay lapitan ng ina na may dalang cutter at nilaslas ang mga leeg nito.
Nang makitang duguan ang mga anak ay agad ding nilaslas nito ang sariling leeg.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, depresyon ang hinihinalang motibo hinggil sa madaming problemang kinakaharap at sa kahirapang dinadanas ng suspek na kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan.