MANILA, Philippines — Isang Person Deprived of Liberty (PDL) ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos isagawa ang greyhound operation sa Manila City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City, kahapon.
Dahil dito, muling masasampahan ng panibagong kaso ang PDL na si Elymark Dela Cruz, 25, dahil sa paglabag sa batas na Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Batay sa ulat, nagsagawa ng greyhound operation ang puwersa ng PDEA at Bureau of Jail Management and Penology sa nasabing pasilidad at nakakumpiska ng pinaghihinalaang shabu at marijuana na nagkakahalaga ng humigit-kumulang na P75,000.
Si Dela Cruz ay nakuhanan ng iligal na droga na itinago sa loob ng kanyang tsinelas.
Bukod dito, may nakuha ring walong sachet sa basurahan sa loob ng dormitory.