7 poste ng kuryente sa Maynila, nagbagsakan
MANILA, Philippines — Nagsibagsakan kahapon ang pitong poste ng kuryente sa may Binondo, Maynila na ikinasugat ng tatlong katao kahapon.
Sa inisyal na ulat na natanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, dakong ala-1:00 ng hapon nang maganap ang pagbagsak ng mga poste sa hindi pa makumpirmang kadahilanan, sa may Quentin Paredes Street malapit sa Binondo Church.
Agad na rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at Manila Fire District.
Inisyal na iniulat na pitong sasakyan at isang bisekleta ang nabagsakan at tatlong katao ang nagtamo ng mga minor injury sa katawan at isinugod agad sa ospital.
Bukod pa dito ay nagresulta rin nang pagkawala ng suplay ng kuryente sa lugar at sanhi rin ng pagsisikip sa daloy ng trapiko.
“According to Meralco, electricity is currently being shut off for the safety of the responders and the residents in the area,” ayon sa Facebook post ng Manila Public Information Office.
Kinansela kahapon ng lokal na pamahalaan ang klase sa lahat ng antas sa mga paaralan sa siyudad dahil sa patuloy na nararanasang sama ng panahon na nagdulot ng pagbabaha sa ilang mga kalsada.
Nagpatupad din ng Libreng Sakay ang lokal na pamahalaan para sa mga pasahero na mai-stranded dahil sa pagbabaha.
- Latest