MANILA, Philippines — Patay ang isang delivery rider at rumespondeng pulis nang sila ay barilin sa ulo ng isang suspek na napatay din nang makipagpalitan ng putok sa mga pulis, naganap sa Lomeda Subdivision, Brgy. San Felipe, Naga City, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.
Naisugod pa sa pagamutan pero nasawi rin dahil sa tama sa ulo ang delivery rider na si Ryan Vargas, residente ng Zone-2, Brgy. Balagbag, Milaor.
Patay din ang suspek na kinilalang si Eric Sison, nasa hustong gulang, may-asawa at residente ng naturang lugar.
Naoperahan sa ulo pero nasawi, ala-1:50 kahapon ng hapon sa intensive care unit ng Bicol Medical Center dahil sa isang tama rin ng bala sa ulo si Patrolman Ronnie Revereza Jr., nakatalaga sa Naga City Police Station 3.
Sa ulat, pasado alas-3:00 ng hapon magdedeliber sana ng parcel si Vargas sa bahay ni Sison nang bigla itong bumulagta dahil sa hinihinalang tama ng punglo ng baril sa kanyang ulo pero wala namang narinig na putok.
Kasama si Brgy. Chairman Al Rodriguez, kinatok ng rumespondeng si Pat. Revereza kasama ang dalawa pang pulis ang gate ng bahay ni Sison para sana makiusap kung pwedeng tingnan ang kopya ng CCTV-camera nito at malaman kung nahagip ang posibleng pamamaril kay Vargas.
Gayunman, habang nakatayo si Revereza ay bigla itong bumulagta at nakitang may sugat na sa noo na posibleng tama ng bala pero muli, walang narinig na putok.
Nagkaroon ng pagdududa ang mga pulis na kahit hindi nakita ay posibleng ang suspek ang namamaril dahil sa mga records nito sa barangay na indiscriminate firing noong 2018 at 2020 kaya sinabihan na itong lumabas ng bahay. Umabot ng mahigit isang oras ang negosasyon para sa paglabas nito.
Sa halip ay ilang ulit na pinutukan ng suspek ang mga pulis kaya gumanti na rin ng putok dahilan para masapol ito at namatay.