MANILA, Philippines — Sa pagdiriwang kahapon ng bansa sa ika-125 Independence Day ay idineklara na rin ang buong lalawigan ng Quezon na malaya na sa kuko ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Quezon sa pangunguna ni Governor Angelina Tan at mga opisyal ng Philippine Army at ng Philippine National Police (PNP) na nagdedeklarang insurgency free sa lalawigan.
Ginanap ang pirmahan kasabay ng pagdiriwang ng ika-125 Araw ng Kalayaan at nakasaad sa MOA na wala nang insurhensya sa 39 munisipalidad at dalawang lungsod sa probinsya, ang Lucena at Tayabas.
Ani Tan, hindi magtatagumpay ang paglaban sa mga rebeldeng grupo kung hindi dahil sa mga dating kasapi nito na nagbalik loob sa pamahalaan at tumulong sa programa ng gobyerno na ibalik ang kapayapaan sa lalawigan.
Kaugnay nito, binigyan ng tulong pangkabuhayan ang 11 mga dating rebelde para magtuloy-tuloy ang kanilang pagbabagong buhay.
Umabot na sa P18-M ang naibigay na tulong ng gobyerno sa mga dating rebelde ng lalawigan na nagbalik-loob sa pamahalaan.
Nagpasalamat naman si Tan sa Armed Forces at PNP dahil sa tulong upang mapagtagumpayan ang laban sa insuhensiya sa tulong na rin ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan tulad ng mga opisyal ng barangay.
Dagdag pa niya, bukas na ang mga mata ng mga taga-Quezon at hindi na papayag na mahikayat ang mga kabataan na maligaw ng landas at magbuwis ng buhay dahil ito ay hindi makatarungan.
Nananawagan din ang gobernadora sa lahat na isabuhay ang resolusyon o MOA upang magtuloy-tuloy na ang pagkamit na kapayapaan sa lalawigan.