MANILA, Philippines — Dead on the spot ang limang sakay ng isang sports utility vehicle (SUV) na tatlo dito ay Korean national habang 2 ang nasugatan nang makabanggaan nito ang isang 22-wheeler truck sa Brgy. Sabang, Baliwag City, Bulacan, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang limang nasawi na sina Miseon Kim; Park Misoon; at Jinoh Kim, pawang Korean national; Rosalinda Capinlac; at Allen Arucan, kapwa residente ng Brgy. Poblacion, Talavera, Nueva Ecija.
Kasalukuyan namang ginagamot sa Bulacan Medical Center ang dalawang nasugatan na sina Geraldine Capinlac; at Theresa Adio, kapwa ng Talavera, Nueva Ecija na nagtamo ng mga galos at sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.
Sa imbestigasyon, bago nangyari ang aksidente, alas-2:00 ng madaling araw ay sakay ang mga biktima ng isang Toyota Fortuner (AVA 9888) at binabagtas ang kahabaan ng Doña Remedios Trinidad highway patungong Baliwag City nang salpukin ng isang 22-wheeler truck (NEG-7896) na minamaneho ni PJ Calma patungong San Rafael.
Ayon sa mga otoridad, nawalan umano ng kontrol ang manibela ng nasabing truck kung kaya’t pumakabila ito sa linya ng sasakyan ng mga biktima na nagresulta sa head on collission.
Sa lakas ng impact ay tila nayuping lata ang harapan ng sasakyan ng mga biktima na agad ikinasawi ng limang sakay nito.
Naaresto naman ang driver ng nasabing truck na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in serious physical injury, multiple homicide and damage to property. - Doris Franche-Borja