MANILA, Philippines — Ngayong Lunes, Mayo 1, Araw ng Paggawa ay pagkakalooban ng libreng sakay sa mga tren ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang mga manggagawa.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Railways Jorjette B. Aquino, ang free rides sa LRT-2 at MRT-3 ay maaaring i-avail ng mga manggagawa mula 7:00AM hanggang 9:00AM at mula 5:00PM hanggang 7:00PM.
Sinabi ni Aquino na upang mai-avail ang libreng sakay, kinakailangan lamang ng mga manggagawa na magprisinta ng Company ID o Government-issued ID.
“We welcome workers aged 18 years old and above to enjoy this special treat,” ani Aquino.
“We understand the importance of your hard work and dedication to our country’s growth and development, especially during these challenging times,” dagdag pa ni Aquino.
Sinabi ni Aquino na umaasa silang ang simpleng gesture na ito ay maghahatid ng kaligayahan sa araw ng mga manggagawa.
Nabatid na ipinagkaloob ang free train rides sa mga nasabing rail lines kasunod na rin ng kahilingan ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma kay Transportation Secretary Jaime J. Bautista na bigyang pagkilala ang kontribusyon at achievements ng mga hardworking Filipino workers sa buong bansa.