Bong Go, itutuloy legasiya ng serbisyo ni ‘Tatay Digong’
MANILA, Philippines — Sa pagdiriwang ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang lubos na pasasalamat at pagmamalasakit sa kanyang mentor sa pulitika at karera kasabay ng paghimok sa mga Pilipino na huwag kalimutan ang halaga ng sakripisyo’t pagmamahal sa bansa ng dating lider.
“Sa araw na ito, nais ko lang iparating ang taos-pusong dasal at suporta kay Tatay Digong. Isa siyang lider na buong buhay ay inalay sa kapakanan ng Pilipino. Hanggang ngayon, ramdam pa rin natin ang kanyang malasakit,” ani Senator Go.
Ikinuwento ni Go kung paano ginawang personal na tradisyon ni Duterte na tahimik na ipagdiwang ang kanyang kaarawan kasama ang mga cancer patient.
Sa nakalipas aniya na 26 taon, kagaya ni Duterte ay hindi siya nagpa-party kapag nagdiriwang ng kaarawan.
Sa halip, ibinabahagi na lamang nila ang kanilang lakas sa pakikipag-ugnayan sa mahihirap at bulnerable, isang pamana sa kanya ni Duterte ng pagiging simple at pakikiramay na ipinangako niyang ipagpapatuloy.
Sa prayer rally para sa kaarawan ni Tatay Digong, nanawagan si Go sa lahat na huminahon at ipagdasal ang dating Pangulo na patuloy na maging malusog at makalaya mula sa kulungan ng ICC.
- Latest