76ers pinatumba ang Cavs; Blazers wagi sa Hornets
PHILADELPHIA — Kumamada si Paul George ng 30 points, habang may 29 markers si Tyrese Maxey para banderahan ang 76ers sa 132-129 paggupo sa Cleveland Cavaliers.
Tinapos ng Philadelphia (16-27) ang kanilang seven-game losing skid bagama’t hindi naglaro si Joel Embiid sa pang-10 sunod na pagkakataon dahil sa kanyang left knee injury.
Nagdagdag si Kelly Oubre Jr. ng 22 points.
Ito naman ang pangalawang dikit na kamalasan ng Cleveland (36-8) na nakahugot kay Donovan Mitchell ng 37 points, habang tumipa si Ty Jerome ng career-high 33 markers tampok ang walong three-point shots.
Ang ikalawang sunod na triple ni Jerome ang nagbigay sa Cavaliers ng 116-110 kalamangan sa 6:17 minuto ng fourth period.
Ngunit isang 13-0 atake ang inilunsad ng 76ers para ilista ang isang seven-point lead, 123-116, patungo sa kanilang tagumpay.
Sa Charlotte, umiskor si Anfernee Simons ng 27 points at may 22 markers si Jerami Grant para akayin ang Portland Trail Blazers (17-28) sa 102-97 pagdaig sa Hornets (11-30).
Nag-ambag si Deni Avdija ng 18 points at may 13 rebounds si Dononvan Clingan para sa Portland.
Sa Memphis, bumira si Jaren Jackson Jr. ng 29 points sa 139-126 pagpapatumba ng Grizzlies (30-15) sa New Orleans Pelicans (12-33).
- Latest