9 sugatan sa sunog sa Tondo
MANILA, Philippines — Siyam katao na kinabibilangan ng dalawang paslit at isang lola, ang sugatan nang sumiklab ang sunog sa isang four storey residential building sa Tondo, Manila kahapon ng hapon.
Ang mga biktima na pawang nagtamo ng mga paso at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at hirap sa paghinga ay kinilalang sina Nohan Gaizer Go, siyam buwang gulang; Rhiane Isidro, 3; Aida Daaco, 79; Emma Sanita, 39; Mary Grace Martinez, 48; Jennifer Base, 34; Michael Base, 40; Conrado Base Sr., 73; at Mel Magno, 35.
Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na dakong alas-2:07 ng hapon nang magsimulang sumiklab ang sunog sa ikatlong palapag ng gusali na matatagpuan sa C.P. Garcia St., Road 10, Moriones, Tondo.
Sa pagtaya ng mga awtoridad, nasa 15 tahanan sa gusali ang matinding napinsala ng sunog at aabot sa 130 katao ang naapektuhan nito.
Tinataya ring aabot sa P250,000 halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy.
Dakong alas-3:14 ng hapon nang tuluyang maapula ang sunog, na inaalam pa ang pinagmulan.
- Latest