Nagmo-moonlighting sa pagtutulak Babaeng titser timbog sa P1 milyon shabu!
MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang babaeng guro matapos makumpiskahan ng mahigit sa P1 milyon halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Zamboanga Sibugay nitong Biyernes ng gabi.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 9 at PDEA Region 9, ang 59-anyos na guro ay taga-Laminusa Island sa Siasi, Sulu pero hindi na tinukoy ang pinapasukang iskul para proteksiyunan ang eskuwelahang pinagtuturuan nito.
Bago ito ay nakipag-deal ang poseur buyer sa suspect na bibili ng droga kung saan ay itinakda ang bentahan dakong alas-7:25 ng gabi sa Purok Masigla, Brgy. Poblacion, Ipil ng lalawigang ito.
Inaresto ang nasabing guro habang iniaabot sa undercover agent na nagsilbing poseur buyer ang 150 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,020,000.
Hindi na nakapalag ang suspect matapos posasan ng mga operatiba at dalhin sa detention facility ng PDEA sa Zamboanga Sibugay.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na nagmo-moonlighting ang suspect sa pagbebenta ng droga para umano mabilis itong kumita ng pera, pero ayon sa mga awtoridad ay hindi ito magandang halimbawa sa mga estudyante lalo na at isang guro ang suspect.
Nahaharap ang suspect sa kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2002 at wala ring inirekomendang piyansa kapalit ng kaniyang kalayaan.
- Latest