Meralco sisilip sa Top 2 spot
MANILA, Philippines — Palalakasin ng Meralco ang kanilang tsansa sa Top Two spot, habang hihirit ng playoff para sa No. 8 berth sa quarterfinals ang NLEX sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Lalabanan ng Bolts ang Ginebra Gin Kings ngayong alas-7:30 ng gabi matapos harapin ng Road Warriors ang guest team Eastern sa alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumabandera ang NorthPort bitbit ang 9-3 record kasunod ang TNT Tropang Giga (8-3), Converge (8-4), Meralco (7-3), Ginebra (7-4), Eastern (7-4), Rain or Shine (6-5), NLEX (5-6), Magnolia (5-6), San Miguel (5-7) at mga sibak nang Phoenix (3-9), Blackwater (3-9) at Terrafirma (1-11).
Naglalaban para sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals ang Batang Pier, Tropang Giga at Bolts.
Nakatakda pang labanan ng TNT ang Rain or Shine sa Biyernes at sasagupain ng Meralco ang Magnolia.
“It will show where we are at as a team and it’ll prepare us definitely for the playoffs. We need to be playing our best basketball,” ani Bolts’ guard Chris Banchero.
Sakaling magtabla sa 9-3 ang mga baraha ng NorthPort, TNT at Meralco ay madadampot ng Bolts ang No. 1 spot at makukuha ng Tropang Giga ang No. 2 seat dahil sa kanilang superior quotient habang laglag ang Batang Pier sa best-of-three quarterfinals series.
Kung magiging ganito ang senaryo ay magtutuos sa nasabing serye ang No. 3 NorthPort at No. 6 Ginebra.
Ang makapasok naman sa quarterfinals ang misyon ng Road Warriors sa pagharap sa Hong Kong team.
“Iyong ibang teams naglalabanan na for placing, pero kami makapasok muna ang nasa isip,” wika ni coach Jong Uichico sa NLEX na nasa isang two-game winning run.
“We don’t know kung ano mangyayari sa ibang laro. Ayaw naming umasa sa ibang teams kasi hindi mo naman mako-control ibang laro,” dagdag nito.
- Latest