Fighting Maroons nagparamdam agad
MANILA, Philippines — Sinikwat agad ng University of the Philippines ang panalo matapos pabagsakin ang Ateneo, 77-61 sa pagbubukas ng 87th season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) men’s basketball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum kagabi.
Tumikada si JD Cagulangan ng 17 points, siyam na assists at pitong rebounds para sa UP na tangan ang 1-0 karta habang nalasap ng Blue Eagles ang unang kabiguan.
Maagang nagparamdam ng lakas ang Fighting Maroons matapos nilang hawakan ang 10-point lead, 40-30 sa halftime.
Pero ginanahan ng todo ang Fighting Maroons sa third quarter dahil simula pa lang ay umalagwa na ang kanilang bentahe sa 18 puntos, 50-32 may 7:11 minuto pa sa oras.
Nasaksihan ng halos mahigit 12,932 gate attendance ang panalo ng Fighting Maroons kung saan nagkaroon ng magarbong opening ceremonies ang host school.
Samantala, sisimulan ng De La Salle University ang pagdepensa sa kanilang korona sa pagharap nila sa National University.
Nakatakda ang banatan ng Green Archers at Bulldogs sa alas-6:30 ng gabi.
Sa unang laro sa alas-3 ng hapon, agawan sa unang panalo ang Adamson at FEU.
Muling ibabandera ng defending champions DLSU ang kanilang premyadong player na si Season at Finals Most Valuable Player Kevin Quiambao.
Makakatuwang ni Quiambao sina Michael Phillips, Joshua David at CJ Austria para sa Green Archers.
- Latest