Spellbound swabe ang panalo
MANILA, Philippines — Maganda ang pagkakadala ni jockey LC Lunar sa Spellbound kaya naman walang kahirap-hirap nilang nasungkit ang panalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Sabado.
Pagsalida sa aparato ay bakbakan agad sa unahan ang Cowboy Silver at Neowin, habang nanood sa malayong tersero ang Spellbound sa kaagahan ng laban.
Tumindi ang lutsahan ng Cowboy Silver at Neowin sa kalagitnaan ng karera at papalapit ang Spellbound.
Sinamantala ng Spellbound ang ubusan ng lakas ng Cowboy Silver at Neowin kaya naman pagsapit ng far turn ay kumakapit na sa unahan ang winning horse.
Naglalakihan at mabilis ang mga hakbang ng Spellbound kaya nasa unahan na ito pagsungaw ng rektahan.
Hindi na mapigilan ang mainit na performance ng Spellbound kaya halos wala ng makadikit at tinawid ang meta na may tatlong kabayo ang agwat sa Lola’s Favorite.
Inirehistro ng Spellbound ang tiyempong 1:29 minuto sa 1,400 meter race para hamigin ni winning horse owner Ceasar Daniel Castro ang P15,000 added prize.
Nakopo naman ng breeder ng nanalong kabayo ang P4,500, habang may P1,000 at P500.00 ang second at third placers, ayon sa pagkakasunod..
Terserong dumating sa finish line ang Neowin kasunod ang Most Wonderful sa event na suportado ng Philippine Racing Commission.
- Latest