Pahayag ni Jonvic, isang ‘smoking gun’- Imee

MANILA, Philippines — Maituturing na “smoking gun” ang pagsisiwalat ni Interior and Local Government Jonvic Remulla hinggil sa isang “core group” na umano’y nagpaplano ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang sinabi ni Senador Imee Marcos, kasabay nang pangamba sa tinawag niyang “planado at labag sa Konstitusyon” na hakbang ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ang pag-aresto sa dating pangulo ng bansa.
“Ang pahayag ni Kalihim Jonvic Remulla ng Department of Interior and Local Government na ang umano’y planong pag-aresto ay base lang sa tsismis, ay hindi kapani-paniwala,” ani Marcos sa isang press briefing kahapon.
Ibinunyag din ni Marcos na sa kanyang paunang pagsisiyasat ay lumilitaw na nakapagpasya na ang pamahalaang Pilipino na tumulong sa International Criminal Court (ICC) sa pag-aresto kay Duterte, at nagsimula na ang paghahanda bago pa man ang Marso 11.
“Na-mobilize na ang mga yunit ng pulisya noong Marso 10 pa lamang. Si National Security Adviser Eduardo Año ay mino-monitor na ang kilos ni Duterte, at may mga opisyal ng ehekutibo na nagsabing makikipagtulungan ang administrasyon sa ICC sakaling dumaan sa Interpol ang kahilingan para sa arrest,” ayon kay Marcos.
- Latest