Nene nasapol ng bala sa baril ng tiyuhin
CALABANGA, Camarines Sur, Philippines — Nasa maselang kalagayan ang isang 9-anyos na batang babae matapos aksidenteng masapol ng bala nang pumutok ang baril na nililinis ng kanyang tiyuhin sa Brgy. Balombon, Calabanga, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.
Duguang isinugod sa Bicol Medical Center sa Naga City at inoperahan upang makuha ang punglo na bumaon sa likod ng batang biktima na si alyas “Nene”, Grade-4 pupil at residente ng naturang lugar.
Tumakas pero kinabukasan ay isinuko ng mga barangay officials ang suspek na si alyas “Franky”, 32-anyos na nahaharap sa patung-patong na kaso.
Sa ulat, alas-6 ng gabi, nililinis umano ng suspek ang kanyang kalibre 38 baril nang aksidente nitong makalabit ang gatilyo at pumutok.
Kasunod nito, lumapit ang pamangkin na duguan at idinadaing ang sumasakit na likurang bahagi ng katawan na tinamaan pala ng bala habang naglalaro.
Mabilis na isinugod ng mga kaanak at residente ang bata sa pagamutan habang agad na tumakas ang suspek sa takot.
Gayunman, makalipas ang ilang oras ay sumuko ang suspek sa mga opisyal ng barangay na nagdala sa kanya sa Calabanga Police Station.
Lumalabas na loose firearm at walang kaukulang dokumento ang isinuko ring baril ng suspek kaya nahaharap din siya sa kasong paglabag sa illegal possession of firearm in relation to Comelec gun ban.
- Latest