Abalos: Tulong sa magsasaka kailangan

MANILA, Philippines — Isinusulong ni dating Interior Secretary at senatorial candidate Benhur Abalos, Jr. ang pagbibigay ng mga insentibo sa mga magsasakang napapanatiling produktibo ang mga lupang kanilang sinasaka.
Aniya, isa rin itong paraan upang hadlangan ang pag-convert ng mga lupaing agrikultural sa mga subdivision at pang-industriyal.
Ginawa ni Abalos ang mga pahayag na ito sa kanyang pagbisita sa Legazpi, Albay, kung saan nakipagpulong siya sa iba’t ibang lokal na punong ehekutibo upang talakayin ang mga agarang isyu at magmungkahi ng mga praktikal na solusyon.
Ayon pa kay Abalos, ang comprehensive land use plan ng mga lokal na pamahalaan ay dapat nakapokus sa pagprotekta sa mga lupain ng agrikultura gayundin sa pagbibigay ng suporta sa mga tao na umaasa dito para sa kanilang kabuhayan.
“Kailangan nating tandaan na ang lifeline natin ay ang ating food security at food sustainability.” Lahat tayo nagreklamo tungkol sa mga gulay, tungkol sa mga presyo ng bilihin, ng pagkain. Pero kung hindi natin naaalagaan ang ating mga sakahan baka mag-subdivision lahat ‘yan,” sabi ni Abalos.
Iminungkahi ni Abalos ang ilang mga insentibo na makakatulong sa mga magsasaka para hindi sila matukso na magbenta ng lupa. Kabilang dito ang mga diskwento sa buwis sa real property para sa mga may-ari ng lupang pang-agrikultura, pinalawak na saklaw ng crop insurance, at zero hanggang minimal na interes na mga pautang upang suportahan ang mga operasyon ng pagsasaka.
- Latest