Serye tatapusin ng Gin Kings

MANILA, Philippines — Determinado ang Barangay Ginebra na tapusin ang serye sa Game Six habang pipilitin ng TNT Tropang Giga na makapuwersa ng ‘winner-take-all’ Game Seven.
Magsasalpukan ang Gin Kings at Tropang Giga ngayong alas-7:30 ng gabi sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum.
Angat ang Ginebra sa 3-2 sa kanilang best-of-seven championship series ng TNT matapos kunin ang Game Five, 73-66, noong Linggo sa Big Dome.
Inilapit ng Gin Kings ang kanilang sarili sa pagkopo sa pang-16 korona sa paglalaro sa ika-32 finals appearance.
“I’m just truly inspired sa mga fans. Ang tagal na rin naming hindi nakakuha ng championship,” ani Scottie Thompson na naglista ng 16 points, 10 rebounds, 5 assists at 2 steals sa Game Five. “I just want to give my all for this championship, whatever it takes.”
Huli silang naghari noong 2023 PBA Commissioner’s Cup kontra sa guest team Bay Area Dragons.
Patuloy pa ring maglalaro si import Justin Brownlee sa kabila ng kanyang dislocated right thumb laban kay PBA Best Import Rondae Hollis-Jefferson ng TNT na may hamstring injury.
“TNT is a great team as the past has shown. They beat us two times in the finals so we know it’s not going to be easy. The hardest game in my opinion and in my experience is the closeout game,” ani Brownlee.
Tinalo ng Tropang Giga ang Gin Kings sa Season 48 at 49 PBA Governors’ Cup Finals.
Kumpiyansa si Hollis-Jefferson na makakatabla sila sa serye para makahirit ng Game Seven sa Biyernes.
Bukod sa injury ni Hollis-Jefferson ay nakaapekto rin sa laro ng TNT sa Game Five ang sigawan nina coach Chot Reyes at center Poy Erram sa third period kung saan nakahabol ang Ginebra patungo sa panalo.
- Latest