4 terorista dedo sa sagupaan
MANILA, Philippines — Apat na kasapi ng grupong Dawlah Islamiya ang napatay ng mga tropa ng Philippine Marines sa isang engkwentro sa Barira, Maguindanao del Sur, kahapon ng madaling araw.
Kinumpirma ng mga officials ng 6th Infantry Division ng Philippine Army at ng 1st Marine Brigade ng Philippine Navy ang insidente, naganap sa Sitio Palao sa Barangay Barira sa bayan ng Barira.
Sa ulat, sumiklab ang engkwentro ng paputukan ng mga terorista ang mga miyembro ng Marine Battalion Landing Team-2 na ipinadala sa naturang lugar upang magsiyasat sa mga ulat ng mga residente hinggil sa presensya doon ng mga kasapi ng Dawlah Islamiya, nagpaplanong manggulo sa mga lugar na may mga police at Marine outposts.
Mabilis na tumakas ang mga terorista ng napansin na unti-unti ng napapaligiran ng mga Marines ang kanilang kinaroroonan at iniwan ang apat nilang mga kasamang nasawi.
Nakumpiska ng mga Marines ang dalawang assault rifles, mga bala at mahigit isang dosenang 40 millimeter grenade projectiles sa encounter scene na naiwan ng mga teroristang tumakas ng mapatay ang apat nilang kasama.
- Latest