Lady Generals sumuko sa Lady Cardinals
MANILA, Philippines — Sumalo sa No. 5 sa team standings ang Mapua University matapos nilang pasukuin ang Emilio Aguinaldo College sa limang sets, 27-25, 25-21, 22-25, 19, 25, 15-10 sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa Arellano University Gym, kahapon.
Pinamunuan ni Raissa Janel Ricablanca ang opensa para sa Lady Cardinals nang ilista ang 20 points lahat galing sa spikes para ilista ang 2-2 karta, kapareho nila ang Arellano University.
Kinahon ng Mapua ang una at pangalawang sets, nabigo silang walisin ang Lady Generals nang iparamdam ng huli ang kanilang tikas sa set 3 at 4 kaya nasagad sa limang sets ang banatan.
Mas naging determinado ang Lady Cardinals sa pangunguna ni Ricablanca sa huling frame, hinarurot agad ang puntusan sa kaagahan ng laro upang makuha ang importanteng panalo.
Nakatuwang ni Ricablanca sa opensa sina Nadine Angeli Berces, Gregchelle Grace Cabadin at Alyana Nicole Ong na kumana ng 12, 10 at siyam, ayon sa pagkakasunod.
Impresibo ang nilaro nina Elizza Mae Alimen at Erica Maye Bodonal matapos nilang irehistro ang 20 at 19 markers, ayon sa pagkakasunod pero hindi sapat upang ipanalo ang EAC na nalasap ang pangatlong talo sa apat na salang.
Samantala, nagwagi ang defending champion College of Saint Benilde sa San Beda University, 25-27, 25-19, 25-20, 26-28, 15-12 sa unang laro.
Nilista ni Zamantha Nolasco ang 22 points mula sa 16 attacks, apat na blocks at dalawang service aces upang tulungan ang Lady Blazers na ilista ang 4-1 karta at palakasin ang kapit sa No. 3 spot.
- Latest