MVP Group of Companies may special award sa PSA
MANILA, Philippines — Hindi maaaring makalimutan ang isa sa mga solidong sumusuporta sa Philippine sports sa pagdaraos ng San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night sa Lunes sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Bibigyan ang MVP Group of Companies ng isang special award bilang pagkilala sa kanilang tulong sa mga Filipino athletes tampok ang makasaysayang dalawang Olympic Games gold medal ni gymnast Carlos Yulo sa Paris, France.
Sa likod ni businessman at sports patron Manny V. Pangilinan, nanguna sa pagsuporta ang MVP Group of Companies sa training at partisipasyon ng mga national athletes sa French capital, kabilang sina Yulo at Pinay boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas na sumuntok ng tig-isang bronze medal.
Bukod sa MVP Group, pararangalan din ang National Collegiate Athletic Association (NCAA) ng pinakamatandang media organization sa bansa sa pamamahala ni president Nelson Beltran, ang sports editor ng The Philippine Star, sa traditional awards night na inihahandog ng ArenaPlus, Cignal at MediaQuest.
Gagawaran din ng rekognisyon ang Pilipinas Live sa event na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, PLDT/Smart at Senator Bong Go bilang mga major backers kasama ang PBA, PVL, 1-Pacman Party List, Rain or Shine, Akari at AcroCity.
Ang top sports streaming platform ng Cignal ay kikilalanin dahil sa kanilang digital innovation na nagbibigay sa mga Pinoy at sa buong mundo ng mga live at on-demand Filipino sports contents sa kanilang social network.
- Latest