^

PSN Opinyon

Trabaho sa ibang bansa: Work Visa o Work Permit?

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Kabilang sa mahahalagang dokumentong kailangan bago makapagtrabaho sa ibang bansa ang tinatawag na work visa o work permit. Karaniwang halos magkapareho o iisang dokumento lang ang work visa at work permit.  May mga pagkakataong magkaibang dokumento ito o ang work visa ay itinatatak sa passport habang ang work permit ay iniisyu ng immigration department o ng employer mula sa destinasyong bansa.  Marami ring klase ng work permit at work visa depende sa dadayuhing bansa at may mga bansa na magkakaiba ang paggamit, pagpapangalan at interpretasyon o sistema ng pagpapalabas ng ganitong mga dokumento para sa mga dayuhang manggagawa. Kaya mahalaga sa mga mag-aaplay ng trabaho sa ibayong-dagat na alamin at unawain at sundin ang mga rekisitos at impormasyon hinggil  sa visa at work permit na iniisyu ng pupuntahang bansa.

Kailangang matugunan ng aplikante ang ilang mga kundisyon para maging kuwalipikado sa work visa na nagbabago depende sa pupuntahang bansa. Kung walang work visa o work permit ang isang dayuhan, hindi siya maaaring makapasok at makapagtrabaho sa pinasukan niyang bansa. Walang lokal na employer o kumpanya ang tatanggap sa kanya.  Isang dahilan ito kaya ang mga Pinoy, halimbawa na nagagawang makapasok sa isang dayuhang bansa nang walang work visa o work permit ay nahihirapang makakuha ng maayos at disenteng trabaho. Kung makakuha man sila ng trabaho, napakababa, napakaliit ng sahod at karaniwang napapagsamantalahan ang kanilang mga karapatan at naaabuso.

Kapag natanggap kang makapasok sa ibang bansa gamit ang work visa, hindi ka maaaring magpalit ng employer nang hindi muna ipapaalam ito sa immigration authorities. Kung lilipat ka ng ibang employer, dapat kalinya ito ng industriyang nakasaad sa inapalayan mong work visa.  Kailangang patuloy kang may trabaho para magkaroon ng balidong work visa. Kapag nawalan ka ng trabaho, meron kang ilang buwan para makahanap ng bagong trabaho at mag-apply muli ng work visa.

Maaaring makita sa website ng gobyerno o ng embahada ng dadayuhing  bansa ang mga patakaran, regulasyon, rekisitos at ibang mga panuntunan nito sa pagpapalabas ng work visa o work permit para sa mga dayuhang manggagawa.

Sa website ng VisaGuide, inihalimbawa nito ang work visa ng United States na isa sa mga popular na visa na inaaplayan ng mga migranteng manggagawa. Maraming uri ng work permit ang iniisyu ng U.S. pero karaniwan iyong H1B work visa. Para mabigyan ng ganitong visa, dapat empleyado ka ng isang ispesipikong labor sector na tulad halimbawa ng sa IT specialist, architect, accountant at iba pa.

Marami ring klase ng work visa sa United Kingdom depende sa iyong kuwalipikasyon at kung saan ka naaangkop magtrabaho.  Mas popular na visa para sa mga dayuhang manggagawa sa UK ang Tier 2 General Visa.

Sa bansang Canada, ayon sa VisaGuide, pangunahing inaaplayan ang Express Entry Pathway. Kailangang makapasa ka sa isang specific score na sumusukat sa iyong kuwalipikasyon bilang kandidatong manggagawa.

Meron ding iba’t ibang klase ng work visa sa Australia, temporary o permanent. Sa maraming Australian work visa, ang aplikanteng manggagawa ay dapat nominado ng magiging employer niya na magsusumite ng hiwalay na aplikasyon para sa job applicant.

Karaniwan namang work visa sa mga bansa sa Europe ang EU Blue Card. Tulad ng Express Entry ng Canada, dadaan ka muna sa isang points system na susukat sa iyong kuwalipikasyon bago maaprubahan ang iyong EU Blue card.

May tinatawag ding temporary work visa na balido sa loob ng ilang taon. Depende sa bansa, maaari itong i-renew o bumalik ka sa iyong bansa kapag napaso ito. Merong mga bansa na pinapayagan kang lumipat sa permanent work visa kapag nakakuha ka ng bagong trabaho. Sa permanent work visa, maaari kang manirahan sa dayuhang bansa nang permanente at maaari kang mag-apply ng citizenship pagkatapos ng maraming taong paninirahan doon.

Ayon sa VisaGuide, para makakuha ka ng work visa o work permit, dapat meron ka nang nakitang trabaho sa ibang bansa, meron ka nang job contract at iba pang mga kailangang dokumento. Hindi ka makakapag-apply ng work visa kung wala ka pang employer.  Pero, ayon sa VisaGuide, kung wala ka pang job offer pero gusto mong magtrabaho sa ibayong bansa, maaari kang mag-apply ng job-seeker visa na inaalok sa ilang bansa tulad ng Germany. Isa pang mapagpipilian ang freelander o digital nomad visa dahil may mga bansang nag-aalok ng special work permit kung isa kang self-employed. Asahan nga lang na merong mga rekisitos dito na kailangang sundin bago mabigyan ng visa.

Ang validity ng work permit ay depende sa dadayuhing bansa at sa klase ng iyong trabaho. Maraming work visa ang sumasabay sa tagal ng work contract.

Gayunman, may mga panahong nagbabago sa ilang mga bansa ang mga rekisitos, patakaran at ibang usaping may kaugnayan sa pagkuha ng work visa o work permit kaya mahalagang laging nagsasaliksik at maalam sa ano mang mga pagbabago  hinggil dito.

Marami ring dahilan kaya nare-reject ang isang application sa work visa. Karaniwan dito iyong merong criminal record ang aplikante, merong kulang sa aplikasyon, hindi ka nakapasa sa qualification criteria o wala kang job offer.

Masasabing, pinakamahalaga sa lahat, dapat meron ka nang nahanap na trabaho at meron ka nang employer na tumanggap na sa iyong job application na nagbigay sa iyo ng job offer at meron ka nang work contract para makakuha ka ng work visa.

* * * * * * * * * * *

Email – [email protected]

OFW

WORK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with