Marcial kinasuhan ng asawa
MANILA, Philippines — Kinasuhan ni Princess Jenniel G. Marcial ang kanyang asawang si Olympian boxer Eumir Felix Marcial dahil umano sa pangangaliwa.
Ayon sa post ni Princess, nahuli nitong nambababae si Marcial ngunit nagdesisyon itong patawarin ito sa kabila ng pagtutol ng ilang malalapit nitong kamag-anak at kaibigan.
Subalit sinabi ni Princess na hindi pa rin naputol ang umano’y ugnayan nina Marcial at ng babae nito dahilan para magsampa na ito ng reklamo sa korte.
“I caught Eumir having an affair in October last year. I, along with my sister, have personally caught them inside an Airbnb condominium in Pasay where we had them both arrested at a police station. Eumir and his mistress both had to be temporarily detained for 5 days,” ani Princess sa kanyang post.
Ngunit itinanggi ni Marcial ang mga alegasyong pambababae at pananakit na isiniwalat ng asawa nitong si Princess.
Binasag ni Marcial ang katahimikan nito kahapon para pabulaanan ang mga inihayag ni Princess sa kanyang post sa social media kamakalawa.
Itinanggi rin ni Marcial ang pananakit umano nito.
“Hindi totoo lahat ng sinabi niya sa akin. Kung sinasaktan ko siya, hindi lang na ganun lang magyayari sa kanya, may pasa siya sa paa. Pinoprotektahan ko lang ang sarili ko sa kanya,” ani Marcial.
Nilinaw din ni Marcial na wala ring katotohanan na winidraw nito ang lahat ng pera sa kanilang bank account para patayuan ng bahay ang umano’y kabit nito.
“Yung joint account namin nasa kanya. Hawak niya ngayon, lahat ng titulo ng bahay namin sa Maynila lahat ng properties namin nasa kanya. Yung sinasabi niya na pinatayuan ko ng bahay (yung babae), hindi totoo yun dahil mismong magulang ko nga hindi ko mapatayuan ng bahay,” dagdag ni Marcial.
- Latest