Creamline nagpapalamig sa Korea
MANILA, Philippines — Matapos magsuot ng kanilang mga volleyball jerseys ay mga winter coats naman ang nakabalot sa mga katawan ng Creamline players sa kanilang pagbabakasyon sa South Korea.
May mahabang Christmas break kasi ang Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference at sa Enero 18 pa muling magbabalik ang mga aksyon.
Kasalukuyang nagpapalamig ang mga Cool Smashers sa South Korea matapos hatawin ang imakuladang 4-0 record sa torneong kanilang pinagreynahan bilang bahagi ng Grand Slam.
Huling tinalo ng Creamline ang ZUS Coffee, 25-22, 28-30, 26-24, 17-25, 15-13, noong nakaraang Huwebes kung saan pumalo si team captain Alyssa Valdez ng team-high 17 points.
Ang tropa ni coach Sherwin Meneses na lamang ang wala pang talo sa torneo.
Sa kanilang pagbabalik sa bansa ay lalabanan ng Cool Smashers ang Capital1 Solar Spikers sa Enero 21 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nauna nang pinatumba ng Creamline ang Petro Gazz, Akari at Choco Mucho.
Bago magbakasyon ay naglista ang Petro Gazz ng 5-1 kartada kasunod ang Cignal HD (4-1), Chery Tiggo (4-2), PLDT (3-2), Akari (3-3), Choco Mucho (3-3), ZUS Coffee (2-3), Farm Fresh (2-3), Capital1 (1-4), Galeries Tower (1-5) at Nxled (0-5).
Sa pagpapatuloy ng hostilidad sa Enero 18 sa Philsports Arena ay lalabanan ng Foxies ang Chameleons sa ala-1:30 ng hapon kasunod ang bakbakan sa pagitan ng Thunderbelles at Flying Titans sa alas-4 ng hapon at ang banatan ng Chargers at High Speed Hitters sa alas-6 ng gabi.
- Latest