Lobrido sumuntok ng ginto sa China
MANILA, Philippines — Nasungkit ni promising boxer Leo Mhar Lobrido ang gintong medalya sa 4th Greater Area Bay Youth Boxing Challenge na ginanap sa Shenzhen, China.
Pinagharian ng Ramon Torres National High School student na Lobrido ang men’s light flyweight division matapos isa-isang patumbahin ang kanyang mga karibal.
Nasiguro ng Bago City ang nag-iisang gintong medalya ng Pilipinas sa torneong nilahukan ng mahuhusay na junior boxers mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon.
Suportado ng Philippine Sports Commission at Association of Boxing Alliances in the Philippines ang kampanya ni Lobrido sa naturang event.
Masaya si Lobrido sa kanyang tagumpay matapos ang ilang kabiguan sa kanyang mga nakalipas na torneong nilahukan.
“I finally got the gold,” ani Lobrido sa kanyang post sa social media.
Matatandaang nakasikwat ng gintong medalya si Lobrido sa 46-kilogram schoolboys division sa 2023 Palarong Pambansa.
Sumabak din si Lobrido sa ASBC Asian Junior & Schoolboys & Schoolgirls Boxing Championships sa Al Ain City, United Arab Emirates noong Agosto.
Magandang panalo ito para sa ABAP na kamakailan lamang ay sumungkit ng isang pilak at apat na tansong medalya sa 2024 ASBC Asian Elite Men & Women Championships na ginanap sa Chiang Mai, Thailand.
Galing ang pilak kay Marvin Tabamo sa men’s 51kg division habang nakatanso naman sina Jay Bryan Baricuatro (men’s 48kg), Mark Ashley Fajardo (men’s 63.5kg), Ian Clark Bautista (men’s 57kg) at Riza Pasuit (women’s 57kg) sa kani-kanyang dibisyon.
- Latest