EDITORYAL – Magmiyembro muli sa ICC
Ang pag-amin ni dating President Rodrigo Duterte sa Senate Blue Ribbon Committee noong October 28, 2024 na mayroon siyang “death squad” at ang pag-ako sa ginawa ng mga pulis na pagpatay sa drug suspects ay sapat na para muling magmiyembro ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC). Sa pagsali muli sa ICC makatitiyak nang patas na pag-iimbestiga sa mga nangyaring pagpatay mula nang ilunsad ang war on drugs noong 2016.
Inamin ni Duterte na libo ang namatay sa kanyang kampanya laban sa droga na sinimulan pa umano niya noong mayor pa siya ng Davao City. Sinabi rin niya sa pagdinig na pinauudyukan niya ang mga drug suspect na lumaban para may dahilan ang mga pulis na barilin ang mga ito. Pero sabi niya, siya na lang daw ang ikulong. Kawawa naman daw ang mga pulis kung makukulong. Sumunod lang daw ang mga ito sa utos niya.
Pero matigas ang paninindigan ni President Ferdinand Marcos Jr. na huwag magmiyembro o papasukin sa bansa ang ICC. Gumagalaw naman daw ang hustisya sa bansa. Pati ang Department of Justice ay ganito rin ang posisyon. Hindi na raw kailangan ang ICC.
Kung ganun, bakit hindi pa sampahan ng kaso si Duterte at iba pang sangkot sa madugong war on drugs. Kung totoong gumagalaw ang sistema ng hustisya, sampahan ng kaso si Duterte. Sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso, maniniwala ang mamamayan na buhay na buhay ang justice system sa Pilipinas. Kung hindi magagawa, papasukin o magmiyembro sa ICC para makamit ng mga kaanak ng biktima ang inaasam na hustisya.
Marami sa mga Pilipino ang sumasang-ayon na dapat bumalik bilang miyembro ng ICC ang Pilipinas. Dapat lumahok muli ang Pilipinas sa ICC upang maisagawa ang imbestigasyon sa drug war ni dating President Duterte. Pabor din ang karamihan sa mga Pilipino na magsagawa ng imbestigasyon ang ICC sa isinagawang drug campaign ng dating Duterte administration.
Kumalas ang Pilipinas sa ICC noong Marso 17, 2019 sa kabila na isa ang bansa sa mga lumagda sa pagtatatag nito. Ang pagkalas ng Pilipinas ay nangyari habang mainit ang kampanya laban sa illegal drugs.
Sa war on drugs ng Duterte administration na nagsimula noong 2016, umabot sa 6,252 ang namatay pero sa report ng human rights groups, aabot sa 20,000 ang mga namatay. Ang masaklap, ang mga napatay ay napatunayang inosente sa drug charges.
Pinakamainam na sumapi muli ang Pilipinas sa ICC lalo na kung wala namang maipapangako ang pamahalaan na bibilisan ang pag-iimbestiga sa mga naganap na extra-judicial killings sa bansa.
- Latest