Sa cargo ship na naglaho sa dagat…Kapitan, 9 tripulante patuloy na hinahanap — PCG
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Patuloy ang isinasagawang paghahanap ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang cargo ship na may lulan na isang kapitan at 9 na tripulante nang maglahong parang bula habang naglalayag sa karagatang sakop ng Palawan kamakailan.
Ayon sa isang opisyal ng PCG, pinaigting pa nila ang search and rescue operations para sa nawawalang barkong MV Sta. Monica sa karagatan sa pagitan ng Taytay, Palawan at Paluan, Occidental Mindoro.
Dahil sa masungit na panahon dulot ng bagyong Kristine nitong Oktubre 22, ang kapitan ng nasabing barko ay minabuting maghanap ng kanilang masisilungan pero simula noon ay hindi na sila makontak. Nagmula pa sa Casian, Taytay, Palawan, ang cargo ship at patungo sa Delpan port sa Metro Manila, nang salubungin ito ng malalaking hampas ng alon sa karagatan.
Nagtangka umano ang PCG na makipag-ugnayan sa kapitan at mga crew ng MV Sta. Monica ngunit nabigo sila at hindi rin maabot ng clearing officer noong Okt. 27.
Ang BN Islander ng PCG, isang aerial asset, ay nagsagawa ng malawakang aerial searches sa silangan ng Taytay at mula San Jose hanggang Paluan sa Occ. Mindoro pero bigo silang makita ang nawawalang barko.
Nagtutulungan na ang Coast Guard District Palawan, PCG-Southern Tagalog at iba pang regional units nito para sa pagpapatuloy ng aerial, seaborne, at shoreline patrols sa parehong dagat at baybayin sa Palawan at Occ. Mindoro upang mahanap ang mga tripulante.
Sinusuri na rin ng PCG nila ang ulat na dalawang bangkay ng tao at mga hayop tulad ng mga kalabaw ang nakita ng mga mangingisda na lumulutang sa dagat.
- Latest