Lalaki, tigok sa tulak ng inaawat na kainuman
MANILA, Philippines — Isang lalaki ang patay nang mabagok sa bato ang kanyang ulo matapos umanong maitulak ng kanyang kainuman na inaawat niya sa pagwawala sa Rodriguez, Rizal kamakalawa.
Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang biktimang kinilala lang na si alyas “Cris”, nasa hustong gulang, at residente ng Brgy. San Isidro, sa Rodriguez habang arestado naman at mahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na si alyas “John Ray”, residente rin ng naturang lugar.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng Rodriguez Municipal Police Station na dakong alas-2:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa tahanan ng biktima.
Nauna rito, masaya umanong nag-iinuman ang biktima at suspek ngunit nang malasing ay bigla na lang umanong nagwala ang suspek.
Tinangka naman ng biktima na awatin ang kasama ngunit itinulak siya nito, sanhi upang mabuwal at bumagok ang ulo sa bato.
Dahil sa tindi ng pagkakabagok, nawalan ng malay ang biktima na agad isinugod sa pagamutan ngunit hindi na naisalba pa ang kanyang buhay.
- Latest