Lakers isinalba nina Anthony, James sa Raptors
TORONTO — Humakot si Anthony Davis ng season-high 38 points bukod sa 12 rebounds para pangunahan ang Los Angeles Lakers sa 131-125 pagkalawit sa Raptors.
Nagdagdag si LeBron James ng 27 points at 10 assists para sa Los Angeles (4-2) na nakahugot kay Austin Reaves ng 20 points kasunod ang 19 markers ni D’Angelo Russell.
Pinamunuan ni RJ Barrett ang Toronto sa kanyang season-high 33 points at career-high 12 assists habang nagdagdag si Gradey Dick ng career-high 31 points at nagtala si Jakob Poeltl ng 19 points at 12 rebounds.
Matapos ang back-to-back losses sa Phoenix Suns at Cleveland Cavaliers ay naitala ng Lakers ang una nilang road win ngayong season.
Sa Charlotte, kumamada si Jayson Tatum ng 32 points para igiya ang nagdedepensang Boston Celtics (4-1) sa 124-109 paghuli sa Hornets (2-2).
Sa Cleveland, umiskor si Darius Garland ng 25 points at may 22 markers si Donovan Mitchell sa 120-109 panalo ng Cavaliers (6-0) sa Orlando Magic (3-3).
Sa Atlanta, bumira si De’Aaron Fox ng 31 points kasunod ang 27 markers ni DeMar DeRozan sa 123-115 pagpulutan ng Sacramento Kings (3-2) sa Hawks (2-4).
Sa Portland, humakot si Shai Gilgeous-Alexander ng 30 points, 7 boards at 6 assists sa 137-114 paggupo ng Oklahoma City Thunder (5-0) sa Trail Blazers (2-4).
Sa New York, iniskor ni guard Jalen Brunson ang 15 sa kanyang 36 points sa first quarter para banderahan ang New York Knicks (3-2) sa 128-98 paggiba sa Pistons (1-5).
- Latest