Kultura at Sports sa DepEd, isinusulong ibalik
MANILA, Philippines — Isinusulong ni dating Deputy Speaker at Buhay partylist Rep. Lito Atienza ang pagbabalik ng Kultura at sports o palakasan sa Department of Education (DepEd).
Ayon kay Atienza, dito nagsisimula ang mga aktibidad at pagsasanay sa kultura at palakasan mula sa grassroots, sa mga pampublikong paaralan at komunidad.
Dagdag pa ng dating kongresista, na ang pagtanggal ng kultura at palakasan sa DepEd ay walang naidulot na kabutihan dahil lumalaki ang mga batang Pilipino na walang kaalaman, higit lalo sa ating kultura.
Matatandaan na dating Department of Education, Culture and Sports (DECS) subalit inalis ang kultura at palakasan kaya ginawa itong Deped.
Ngayon na lang aniya napagtanto ang negatibong epekto nito sa mga kabataan kaya dapat na itong ibalik dahil milyon-milyong mahihirap na Pilipino ang lumalaki sa mga pampublikong paaralan na walang kaalaman sa ating kultura, at hindi sila nakakakuha ng kinakailangang pagsasanay sa palakasan na maaaring ibalik ang Pilipinas sa kanyang mundo sa larangan ng mga mahusay na atleta.
Binanggit ni Atienza na sa kanyang tatlong termino bilang Mayor ng Maynila, ang palakasan ay isa sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon at ang kamakailang makasaysayang tagumpay ni Carlos Yulo para sa ating bansa ay isang magandang halimbawa. “Nakita na natin ang depekto, dapat bigyan na natin ng pansin.
Maraming kabataan ang napapadpad sa droga at juvenile delinquency dahil nawala ang kultura at palakasan sa mga paaralan. Milyon-milyong kabataang Pilipino ang makikinabang dito at ang buong bansa ay magiging proud sa kanila,” giit pa ni Atienza.
- Latest