May-ari ng sasakyan, pinatawag ng LTO
Sa illegal U-turn sa EDSA
MANILA, Philippines — Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang registered owner ng isang sports utility vehicle (SUV) na nag-viral sa social media nang magsagawa nang illegal U-turn sa EDSA-Aurora underpass sa Quezon City.
Ayon kay LTO Chief Vigor D. Mendoza, nakatanggap ang ahensiya ng reklamo mula sa MMDA laban sa driver ng Hyundai Tucson na may plakang ZMM 842 hinggil sa ginawang paglabag sa batas trapiko.
Aniya iniimbestigahan na ng LTO ang naturang insidente. Sa ipinalabas na show cause order ni LTO-Intelligence and Investigation Division head Renate Militante inatasan nito ang registered owner ng sasakyan na mula Makati City na pumunta sa LTO sa Oct. 14, lunes para magpaliwanag sa naganap na insidente.
Oras na mapatunayang nagkasala, ang driver ay maaaring maharap sa kasong Reckless Driving (Sec. 48 of Republic Act (RA) 4136) at Obstruction of Traffic (Sec. 54 of RA 4136).
Ang registered owner ng naturang sasakyan ay nakaalarma na sa LTO.
- Latest