MANILA, Philippines - Naitala din sa wakas ng bagong sal-tang Globalport ang unang panalo nito sa PBA matapos ang come-from-behind 105-104 desisyon laban sa duguang Meralco sa Philippine Cup kagabi sa SM MOA Arena.
Ipinagdiwang ni Willie Miller ang kanyang pagiging pang-25 na player sa kasaysayan ng liga, at nag-iisa sa mga active players, na makaiskor ng 8,000 points nang magtala ito ng 33 puntos at pangunahan ang Batang Pier sa kanilang unang panalo pagkatapos simulan ang conference sa tatlong sunod na talo.
“Ang hirap manalo. Akala ko di pa namin makukuha. Alam naman natin na ang lalakas ng team dito sa PBA. Ako na siguro ang pinakamasayang tao dito,” pahayag ni Globalport coach Glenn Capacio pagkatapos din ng kanyang unang panalo bilang head coach sa PBA.
Ang 33 puntos na iyon ni Miller ang pinakamataas nitong naiskor sa loob ng nakaraang apat na taon, o mula nang naka-34 habang naglalaro pa sa Alaska sa 2008 Fiesta Conference.
Bukod kay Miller ay kinailangan din ng Globalport ng mga clutch performan-ces mula kina Rabeh Al-Hussaini, rookies Jason Deutchman at AJ Mandani na nagtapos din ng double figures sa kanilang 17, 20 at 12, ayon sa pagkakasunod.
Nanalo din ang Batang Pier bagama’t hindi sumalang sa pangalawang sunod na laro si Gary David dahil sa isang injury sa tuhod.