Viloria sinimulan na ang puspusang training
MANILA, Philippines - Ngayon pa lamang ay puspusan na ang ginagawang pag-eensayo ni world flyweight champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria para sa kanilang unification fight ni Mexican titlist Hernan ‘Tyson’ Marquez.
Kahapon ay sumabak si Viloria sa mitts at nakipag-spar sa Wild Card Boxing Gym ni trainer Freddie Roach sa Hollywood, California kasama si Filipino trainer Marvin Somodio.
Lalabanan ng WBO flyweight champion na si Viloria ang WBA flyweight titlist na si Marquez ng Mexico sa isang unification fight na gagawin sa Nobyembre 17 sa LA Sports Arena sa Los Angeles, California.
Nagkaharap na kamakailan ang 31-anyos na si Viloria at ang 23-anyos na si Marquez, tinalo ni Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. via eight round KO noong Hulyo 20, 2010, sa isang press conference sa ESPN Zone sa Los Angeles, California.
Taglay ni Viloria ang kanyang 31-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 knockouts, samantalang si Marquez ay mayroon namang 34-2-0 (25 KOs) slate.
Noong Setyembre 29 ang orihinal na petsa ng banggaan nina Viloria at Marquez ngunit ito ay naurong sa Nobyembre 17.
Ayon kay Somodio, pumalit kay strength and conditioning coach Alex Ariza nang biglang iwa-nan sa pagsasanay si Manny Pacquiao sa Baguio City noong Abril, hindi nakaapekto sa paghahanda ni Viloria ang pagkakaantala ng kanilang upakan ni Marquez.
Tinalo ni Viloria si Mexican Omar Nino Romero via ninth-round technical knockout (TKO) sa kanilang pangatlong pagtatagpo para matagumpay na maidepensa ang kanyang suot na WBO flyweight crown noong Mayo 13 sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.
Binigo naman ni Marquez si Filipino bet Richie Mepranum noong Marso 24 via unanimous decision sa kanilang rematch sa isang 10-round, non-title fight sa Sonora, Mexico.
- Latest
- Trending