Jessy, jologs pa rin

Mula nang magkaroon ng sariling pamilya ay pansamantalang nagpahinga si Jessy Mendiola sa paggawa ng pelikula at teleserye. Ngayong taon ay mapapanood nang muli ang aktres sa isang bagong proyekto. Ayon kay Jessy ay wala pa namang nagbago sa kanya mula nang mapangasawa si Luis Manzano taliwas sa iniisip ng ilan. “Parang sinasabi nila na naging iba si Jessy kasi naging mother, naging wife. But also nag-mature din ako,” bungad ni Jessy sa ABS-CBN News.
Pagdating sa mga pagkain ay simple lamang umano ang gusto ng aktres. Madalas na nagpapabili ng street food si Jessy kapag nasa bahay lamang. “Jologs pa rin ako eh. I mean, talagang minsan, ‘yung meryenda ko corned beef hinahalo ko sa ketchup, masaya na ako. O kaya, kunyari magke-crave ako ng mga tusok-tusok, nagpapahanap talaga ako ng pinakamalapit (na mabibilhan). Sa Lipa, lagi akong nag-iisaw do’n. Gusto ko ‘yung turon, isaw, fish ball, kikiam, kwek-kwek,” pagdedetalye niya.
Kapag umuuwi sa Batangas ay may isang espesyal na putahe ang palaging gustong kainin ni Jessy. Nakilala ang lalawigan sa pagluluto ng masarap na sinaing na isda. “Magugulat talaga kayo, kapag umiikot kami sa Batangas, ang lagi kong hinihingi, tulingan. Sinaing na tulingan, ‘yung isda lang. Niloloko ko nga sila eh. Sabi ko, ‘yan lang TF (talent fee) ko, okay na ako. Masaya na ako, kaya kong mabuhay na ‘yon lang kinakain ko araw-araw. Pero favorite ko talaga ‘yon. Kahit tanungin n’yo pa si Momsky (Vilma Santos-Recto), si Luis, ‘yon pa rin favorite ko,” natatawang kwento ng aktres.
Vina, pangarap ikasal
Walang kasintahan ngayon si Vina Morales. Matatandaang nagkahiwalay ang singer-actress at ang dating nobyo na si Andrew Kovalcin noong isang taon. “I’m single and I’m ready to mingle. Wala akong bago, it just so happened that it wasn’t really meant and actually, ewan ko ba anong nangyari. But that’s how life is, ‘di ba? You’ll never know who you end up with. So ako, with my personal journey sa love life ko, ini-enjoy ko na lang ‘yung journey. Hindi ko iniisip kung kelan ba darating ‘yon.,” nakangiting pahayag ni Vina.
Dalawang taong nag-date ang aktres at ng dating Amerikanong nobyo. Posibleng Pinoy na umano ang susunod na muling magpapatibok sa puso ni Vina. “Huwag na mag-AFAM? For a change Filipino na? Pwede rin naman, oo naman. Pwede rin naman ako mag-entertain ng Filipino. Kasi before gusto ko nga foreigner para wala masyadong problema. But when I realized that if it’s Filipino then why not, ‘di ba?” pagtatapat ng singer-actress.
Maglalabing-anim na taong gulang na ang anak nina Vina at Cedric Lee na si Ceana. Nangangarap pa rin umanong maikasal ang aktres kapag muling umibig. “Siyempre mas maganda ‘yung may blessing ka from God, ‘yung relationship n’yo. Siyempre any woman would want to get married. Pero may kanya-kanya tayong journey sa buhay. Minsan, hindi talaga meant sa isang babae na mapangasawa or sa isang tao na hindi makasal or maging mother. Ako, at least na-experience ko ‘yung motherhood. ‘Yung kasal, hindi ko alam. May chance pa naman. I’m not closing my doors,” natatawang pahayag ng aktres. — Reports from JCC
- Latest