Bong, ramdam ang epekto ng Eddie Garcia Law

Nakakatulong ba ang Eddie Garcia Law sa movie and TV industry?
May mga nagsasabing malaking tulong ito, pero marami rin ang nakakaramdam na malaking dagdag na budget ang epekto nito sa mga namumuhunan sa pelikula at telebisyon.
At naramdaman diumano ito ng mga pelikulang napanood sa katatapos na Metro Manila Film Festival.
Nadoble raw ang gastos ng mga pelikula kaya hindi nakabawi ang ibang producer.
Istrikto nang ipinatutupad ang Eddie Garcia law sa kasalukuyan. Kaya naman naitanong namin kay Sen. Bong Revilla kung ramdam niya ba ang paglaki ng gastos sa pagpo-produce dahil sa batas na ito? “We have to admit talagang lumaki ‘yung cost...,” pag-amin ni Sen. Bong nang makausap namin sandali bago nag-umpisa ang kanilang motorcade para sa finale episode ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis nung Sabado ng hapon (kagabi naman umere ang finale sa GMA 7).
Pero na-anticipate n’yo ito? “Pabayaan natin ‘yung mga producer at ‘yung mga artista na nawawalan ng trabaho ang magsalita. Ayaw kong maging biased diyan. Pero sa totoo lang medyo ano talaga, baka mag-suffer. Kasi hindi mo pwedeng madaliin o bilisan. Pagka gano’n, mawawala na ‘yung quality. Kung hindi naman, tataas talaga ang cost ng project o ng pelikula o sa television,” komento pa ng aktor / pulitiko.
Pinirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nasabing batas na nagmula sa pagpanaw ng iconic actor na si Eddie Garcia habang nasa shooting.
Nilagdaan noong Mayo 24, 2024 ang Republic Act 11996 o ang Eddie Garcia Law ay naglalayong protektahan at tiyakin ang kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Sa ilalim ng batas, ang mga manggagawa ay dapat protektahan ng kanilang mga employer o producer. Ang batas ay nagtatadhana para sa pagpapatupad ng mga oras ng trabaho, sahod, social security and welfare benefits, basic necessity, health and safety, working conditions and standards, and insurance.
Ang proteksyon ng mga manggagawa sa pelikula at telebisyon ay dapat ding naaayon sa Labor Code of the Philippines o Presidential Decree No. 442 at Republic Act No. 11058 o ang “Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties para sa mga Paglabag” at iba pang naaangkop na batas.
Nakasaad pa rito na “It now mandates that the worker and the employer or principal shall execute an agreement or an employment contract in a language or dialect understood by both parties before the commencement of service.”
At kailangan talaga itong sundin ng mga producer o namamahala sa isang pelikula o TV program. “Dapat sundin. Batas ‘yan eh. May Eddie Garcia law. You have to follow the law. Dahil ‘pag hindi sumunod ‘yan, kami sumunod eh. ‘Pag hindi sila sumunod, malalagot sila diyan.”
Pero may chance bang i-amend ang batas na ito kung may mga magrereklamo? “Yes. We are willing to listen kasi at least na-experience nila ‘yun. Alam ninyo kung anong epekto. If ever na amiyendahan ‘yan, basta mapangalagaan natin ‘yung mga senior.”
“‘Yung mga bata rin dahil sa sobrang ano... sa oras, lumiliit lalo ‘yung role nila, kasi very limited na lang ‘yung time na binigay. Baka ang mangyari, darating ‘yung araw wala na kayong makikitang bata sa project, dadayain na nila ‘yung batang maliit na ganyan. Ang kukunin nila ‘yung mga maliliit na bata na eleven years old to twelve,” biro niya.
Na-anticipate ninyo ito, na magkakaroon ng ganitong dilemma ang industry ‘pag pinatupad ito?
“Pinayagan eh, ‘yun ang request ng karamihan sa mga artista. Ngayon, kung magsa-shutdown o hindi na magpo-produce ‘yung mga producer dahil nalulugi sila, sino rin ‘yung maapektuhan? ‘Yung mga artista. Dati nakakalagare ang mga artista. Hindi kailangan ‘pag diyan ka, ngayon diyan ka lang. Hindi ka pwede lumagare. Dati nakaka-dalawa o tatlong pelikula pa. Ngayon hindi pupuwede kasi syempre nagmamadali eh.”
Ang mga lalabag sa alinmang seksyon ng batas ay pagmumultahin ng hanggang P100,000 para sa unang offense; hanggang P200,000 para sa second offense; at hanggang P500,000 para sa ikatlo at mga sumunod na paglabag.
Dahil dito marami diumanong producer ang hindi nakabawi noong Metro Manila Film Festival (MMFF) ayon sa usap-usapan.
May isang pelikula raw na P100 million ang investment pero ang kinita lang nito sa MMFF ay P40 million.
May isa pa raw MMFF entry na P130 million ang budget pero P60 million lang ang kinita.
Anyway going back to Sen. Bong, parang may MMFF Parade of Stars ang motorcade ng cast ng Walang Matinik na Pulis... nung Sabado ng hapon sa maraming lugar sa Metro Manila.
Nakasama nina Senator Bong at Beauty Gonzalez sina Niño Muhlach, Dennis Padilla at Carmi Martin na dinagsa ng fans kasama ang mga lolo at lola. “Nagpapasalamat talaga kami, na kahit mainit ang panahon, tirik ang araw, lumabas talaga sila sa mga bahay nila para magsuporta. Natutuwa ako na masayang-masaya ang mga lola, lolo noong makita nila ako,” banggit ni Bong.
Kabilang kasi ang mga senior sa nakinabang sa Revilla Law – na ang lahat ng Pilipinong umabot sa edad na 80, 85, 90, at 95 ay tatanggap ng cash gift na nagkakahalaga ng P10,000 habang ang mga umabot sa edad na 100 ay patuloy na makakatanggap ng P100,000.
Anyway, matindi nga ang mga eksena ng finale episode nila ni Beauty. Buwis-buhay talaga at parang pelikula.
“Dito talaga binuhos ni Direk Enzo (Williams) ang lahat-lahat. Daig pa nito ang isang pelikula na malaki. Sabi ko nga, hindi ko naramdaman na masakit pala ang binti ko, dahil lahat ng stunts nagawa ko talaga,” sabi ng aktor/pulitiko na naghahanda na sa pagsabak sa kampanya this week.
- Latest