Gerald Santos, matapang sa hubad!
Mas matapang na si Gerald Santos ngayong 2025.
At may dalawang salitang nakadikit sa kanya sa kasalukuyan, Hubad at Courage.
Hubad na title ng kanyang bagong single na isinulat ni Feb Cabahug at kare-release lang sa iba’t ibang digital music platform.
Habang Courage naman ang concert niya na gaganapin sa SM North EDSA Skydome sa January 24.
At Courage rin ang tawag sa sinimulan niyang movement para sa mga tulad niyang biktima ng sexual abuse/harassment.
“Kasi na-realize ko nu’ng lumabas ako last year how hard it was sa mga biktima so I wanna offer help in any way I can sa mga victims. May mga lumalapit na sa akin. Last year, lumapit si Enzo (Almario) na biktima rin ng same person,” sabi ni Gerald na noong last year lang lumantad sa pagiging biktima ng pang-aabuso, noong panahong nag-uumpisa pa lang siya sa kanyang career.
Dahil din dito, nakipag-partner sila sa Public Attorney’s Office (PAO) at iba pang NGOs para sa legal remedies at psychotherapy ng mga biktima.
At ang main goal nila ay magkaroon ang Courage ng sariling legal team.
“Hindi na tayo dapat manahimik ahh in terms of this kind of incidents. Mas open minded na ngayon ang mga tao because of social media kaya roon ko kinukuha ang courage ko dahil alam ko mas may makikinig na ngayon,” pagdidiin pa niya.
Hubad aniya ang pakiramdam niya nang aminin sa publiko ang pang-aabusong dinanas sa kamay ng isang sikat na musical director.
Dahil dito, mas naging courageous siya sa pakikipaglaban sa buhay pati na sa song choices niya.
Bukod pa gusto niyang mag-offer ng “something new,” “something unorthodox” sa fans at ang Hubad ay simula pa lamang aniya, marami pa raw siyang ire-record na kanta na may kaparehong tema.
“Actually, ‘yung naranasan ko, it was not a good experience. I would say na mula nu’ng mangyari ‘yun, it made me a strong person. Kung ano ‘yung wisdom na meron ako ngayon through time, na-develop ‘yung strength ko as a person hindi lang dahil sa nangyari kundi lahat ng pinagdaanan ko, nagsama-sama na accumulative, eh. ‘Yan lumabas na lang sa Hubad,” paliwanag ng binata.
Dagdag niya, “Sa mga pinagdaanan ko, that made me who I am right now. Kung hindi dahil sa mga pinagdaanan ko ay hindi mangyayari kung sino ako ngayon. Kaya I’m thankful for that and I’m ready to face kung ano pa ang mga darating at mas matibay na ako as a person para sa mga pagsubok pang darating.”
Anyway, ang Courage concert ay produced ng Echo Jham Entertainment Productions at Visionary. Guests ni Gerald sina Erik Santos, Sheryn Regis, and Elish.
Mabibili na ang tickets sa lahat ng outlet ng SM Tickets.
- Latest