Aga, may mahigpit na bilin kina Andres at Atasha
Namamayagyag na rin ngayon sa show business ang kambal na anak nina Charlene Gonzalez at Aga Muhlach na sina Atasha at Andres. Bilang magulang at beterano na rin sa industriya ay mayroong payo si Aga sa kambal. “Kung ano ‘yung nakikita n’yo sa akin na ngayon, ito ‘yung end result of hard work. So you have to go through that hard work. When you see all of these, parang glamorized life, the good life, lahat ‘yan, that’s all because of hard work, tears, lahat ‘yan. So daraanan n’yo ‘yan. Just always be the kindest person you can be, ‘yon lang ang reminder ko sa kanila. Huwag kayong mayabang, maging totoong tao kayo. Maging tapat kayo at magtrabaho kayo, hanapbuhay ‘yan eh,” pagbabahagi ni Aga sa BRGY show ng TFC.
Ayon pa sa aktor ay lumaking mapagkumbaba sina Atasha at Andres. Para kay Aga ay importanteng mapalaki nang maayos ang mga anak kaya talagang sinanay na nilang mag-asawa mula pagkabata. “They grew up that way. Growing up ganyan na ‘yung paghuhulma ko sa kanila na wala kayong karapatan na maging mayabang sa mundong ito. Kailangan maging maayos kayo sa tao, maging mabait kayo parati. Gano’n lang, so hanggang sa pag-aartista nila, naiintindihan na nila ‘yon. My family is talagang… we were quiet. Tahimik lang ang buhay namin. We always kept it private as much as we can. The kids grew up that way also, kahit nasa limelight sila or kami, we’ve always kept it private,” paglalahad niya.
Samantala, wala raw problema kay Aga kung magkakaroon na ng mga kasintahan sina Atasha at Andres. Magdadalawampu’t apat na taong gulang na ngayong taon ang kambal. “Parang okay naman. Sa pakiramdam na ‘yan is nilalagay ko ‘yung sarili ko no’ng edad na 23, 24, yes sabi ko, normal,” pagtatapos ng beteranong aktor.
Nikko, naranasang pagpasa-pasahan
Lumaki si Nikko Natividad sa isang broken family. Ayon sa aktor ay ang lolo’t lola niya ang talagang nag-aruga sa kanya noon. “Lumaki ako sa broken family. ‘Yung daddy ko, umalis siya wala pa akong three years old, nag-Japan na siya. Fourteen years siya roon. Then ‘yung mommy ko naman siyempre may iba nang pamilya, nag-London siya. Lumaki ako sa typical, sa mga lola, tita, pasa-pasa,” pagbabalik-tanaw ni Nikko.
Kahit hindi nakasama sa kanyang paglaki ay hindi naman nagalit si Nikko sa mga magulang.
Ayon sa aktor ay natustusan ng mga ito ang kanyang mga pangangailangan noon. “Hindi naman ako galit kasi siyempre ‘yung mga lola ko, tita ko, pinaintindi naman na, ‘Oh, kaya nasa ibang bansa ‘yan kasi gusto ng magandang buhay.’ Lagi naman sinasabi sa atin, which is totoo naman,” kwento ng dating Hashtags member.
Samantala, sinisikap umano ni Nikko ngayon na mapalaking maayos ang kanyang dalawang anak. “Ang plan ko kasi, okay ‘yung may takot ka sa magulang, pero iba kasi ‘yung sinasabing takot na sobrang takot. Gusto ko ‘yung anak ko, kayang magsabi sa akin ng nararamdaman, kaya nila akong i-correct. Kasi dapat kapag may nagawa akong mali sa bahay, kahit magulang na tayo, minsan nagkakamali tayo, dapat matuto tayong magpa-correct din sa anak natin,” makahulugang paliwanag ng aktor. (Reports from JCC)
- Latest