Janine, maraming nalaman kay Jericho
Nakilalang lubusan ni Janine Gutierrez si Jericho Rosales mula nang magkatrabaho sa Lavender Fields noong isang taon. Ayon sa dalaga ay talagang naging malapit sila sa isa’t isa ng aktor dahil sa naturang serye. “Dito lang naman kami naging close. Hindi kami magkakilala before. So nakilala ko siya better as the show progressed. Pero masaya siya katrabaho kasi you feel safe. Saka alam mo on the same page kayo na gusto n’yo gawin lahat para mapaganda ‘yung eksena. Nalaman ko na kahit Jericho Rosales na siya, sobrang game pa rin siya mag-workshop, mag-aral. Maging geeky sa pag-iisip ng gagawin sa eksena at sa script,” pagbabahagi ni Janine.
Ngayong Biyernes ay magtatapos na ang seryeng pinagbibidahan ni Jodi Sta. Maria. Ayon kay Janine ay marami siyang natutunan sa paggawa ng action scenes dahil sa proyekto. “Kasi from zero ako sa action. So I tried to learn that slowly before the show and then when the show was about to start with Ate Jodi sa mga fight rehearsal,” kwento ng aktres.
Para kay Janine ay talagang kaabang-abang ang bawat tagpo ngayong huling linggo na ng kanilang serye.
Antonio, nabiktima ng bullying
Nakaranas nang pambu-bully noon ang isa sa mga bida ng Mga Batang Riles na si Antonio Vinzon. Naging tampulan daw ng tukso noon ang aktor dahil sa kanyang katabaan. “Noong bata po ako sobrang tabain talaga ako dati. Ang grabe po ‘yung discrimination. I get bullied everyday for a couple of years. ‘Baboy,’ ‘pooka fish,’ ‘bumalik ka sa nanay mo.’ lagi po akong binu-bully kaya nawalan po ako ng confidence,” kwento sa amin ni Antonio sa Fast Talk with Boy Abunda.
Sumagi sa isipan ng aktor noon na tumigil na lamang sa pag-aaral dahil sa kanyang mga naranasan sa eskwelahan. Hindi nagsumbong sa kanyang mga magulang si Antonio at sa halip ay tumahimik na lamang. Anak si Antonio ng action star na si Roi Vinzon. “Naging quiet po ako. Sometimes I want to quit na sa school dahil sa bullying. Sinusuntok ako everyday ng mga hindi ko kilala,” dagdag pa niya.
Puspusan ang ginawang pagpapapayat ni Antonio noon dahil sa hindi magagandang naranasan sa eskwelahan. Nagulat ang mga magulang nang makitang pumayat na ang aktor, 40 lbs. ang nabawas sa timbang ni Antonio dahil sa pagda-diet. “Nagulat nga po sila, bakit ako pumayat agad for two months lang. Hindi po ako kumain, nag-diet po talaga ako. Hindi ako kumakain, inom ng tubig, ‘yon lang ang ginagawa ko sa buong buhay ko for two months. Na-shock po sila sa transformation ko na pumayat. Ngayon I’m blessed na nandito ako,” paglalahad ng binata. — Reports from JCC
- Latest