Batang Quiapo, pasabog ang ratratan
Pasabog ang pagbubukas ng bagong taon para sa FPJ’s Batang Quiapo sa pagdiriwang nito ng ika-100 na linggo at sa pagsisimula ng ikalawang taong selebrasyon ng Kapamilya teleserye simula kahapon (Enero 6).
Sa isang teaser na inilabas ng ABS-CBN, walang katapusan na makapigil-hiningang sagupaan ang nagbabadya sa mga susunod na episode tampok ang mga engkwentro ni Tanggol (Coco Martin).
Kaabang-abang dito ang muling paghaharap nina Tanggol at Olga (Irma Adlawan) kung saan isang buhay ang malalagay sa panganib nang biglang sumulpot si Marites (Cherry Pie Picache) sa bakbakan ng dalawa para subukang iligtas ang anak niyang si Tanggol.
Isang malaking rebelasyon din ang yayanig sa buhay ni Tanggol dahil sa wakas ay isisiwalat na ni Olga sa kanya ang katotohanang hindi si Rigor (John Estrada) ang totoo niyang ama.
Marami pang sorpresa ang dapat abangan ng mga manonood ng FPJ’s Batang Quiapo sa patuloy na pagdiriwang nito ng ikalawang taong selebrasyon.
Tutukan ang maaaksyong kaganapan sa FPJ’s Batang Quiapo, na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.
- Latest