Dennis at Ruru, walang tapon ang ginawa!

Ruru Madrid at Dennis Trillo
STAR/ File

Literal na luhaan ang mga nanood ng Metro Manila Film Festival entry na Green Bones.

Talagang maiiyak ka kasi sa kuwento ng pelikula.

Lalo na sa mga eksena ni Dennis Trillo na kahit mata-mata lang ang mga eksena, gumagana ang emosyon.

Yup, ipinakita nga ng mister ni Jennylyn Mercardo ang kakaibang husay niya sa pelikulang ito na nakatuon ang kuwento sa second chance.

Kaya ang hula talaga ng marami, malakas ang laban ni Dennis sa pagka-Best Actor.

Anong nararamdaman, may pressure ba?

“Sa totoo lang, ngayong season na ito, ayoko na lang isipin `yung pressure na makipagpaligsahan, makipagpagalingan sa mga tao. Gusto ko lang, total 50th anniversary ito ng Metro Manila Film Festival, gusto ko na mag-enjoy lang ang lahat ng mga tao sa mga pelikula,” pahayag ng actor sa mga nanood ng Green Bones sa ginanap ng red carpet screening nito.

Inasahan ba niya ang ganitong reaction sa pelikula nung i-offer ito sa kanya? “May mensahe talaga na gustong iparating sa mga manonood. Like ngayon, nakita ko kung paano naapektuhan ang mga nanood, kasi dahil universal ang message niya, na maa-apply ng kahit sino, kahit anong klaseng buhay pa meron ka,” diin pa niya.

Na ayon kay Dennis, maging siya ay naiyak sa kanyang mga eksena at mas naging emosyonal dahil grabe rin ang iyak ng misis niyang si Jennylyn Mercado. “Iyak nga siya nang iyak! Parang sa kalagitnaan pa lang ng pelikula, iyak na siya nang iyak.

“Nakakatuwa, kasi bihira siyang mag-react sa mga eksena ko, at first time ko siyang nakitang umiyak ulit sa isang pelikula, na ako ang pinanonood niya,” komento pa ng actor na hindi talaga ra inasahang ganun ang magiging reaksyon ng aktres na misis.

Tho, parang naweirdan daw siya na madadala siya nang ganun sa mga eksena. “Siguro `yun talaga ang nararamdaman mo, na sobrang relatable ang kuwento.”

Bukod sa pagiging actor, co-producer din sina Dennis and Jennylyn, Brightburn Entertainment, sa Green Bones,

Hindi rin makalimutan ni Ruru Madrid nang mapanood ang sarili sa Green Bones.

Ang haba ng kanyang post “A Night to Remember…

“Hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubos maisip na naging bahagi ako ng isang pelikulang alam kong mag-iiwan ng tatak sa puso’t isipan ng maraming tao,” umpisa ng post niya.

Puno raw ng puso, dedikasyon, at inspirasyon—isang obra na hindi lamang para sa kanya, kundi para sa bawat isa na nagbigay ng kanilang talento, pagmamahal, at pagsisikap upang mabuo ito.

Dagdag niya pa : “Ang proseso ng paggawa ng pelikulang ito ay hindi naging madali. Napuno ito ng hamon at sakripisyo, ngunit sa bawat pagod at hirap, natutunan kong higit pang pahalagahan at mahalin ang sining ng pag-arte,” bahagi pa ng kanyang pasasalamat sa sumugal sa pelikula kasama na aniya ang kanyang acting coach.

Ang pelikula ay dinirek ni Zig Dulay.

Samantala, all-out naman ang naging suporta ng Kapuso stars sa ginanap na red carpet ng pelikula noong nakaraang Biyernes ng gabi sa SM The Block.

Kasama sa pelikula sina Alessandra de Rossi, Iza Calzado, Mikoy Morales, Gerhard Acao, Sienna Stevens, Sofia Pablo, Pauline Mendoza at Enzo Osorio na mga emo rin nang mapanood ang kanilang ginawa.

Andun din ang nanay-nanayan ni Ruru na si Rio Locsin (nagkasama sila sa Lolong), Kyline Alcantara (minus Kobe Paras).

Spotted din sina Rocco Nacino, Edgar Allan Guzman at Shaira Diaz. And of course si Bianca Umali, jowa ni Ruru at marami pang iba.

Present din ang mga bigating broadcast journalist ng network tulad nina Jessica Soho, Howie Severino, Kara David, Atom Araullo at marami pang iba.

Pero iba ang epekto ng presence ng SB19 members na sina Stell at Pablo na kumanta ng theme song nilang Nyebe.

Kinuyog siya maging ng mga Kapuso star upang kamayan, ibeso, at maka-selfie sa kanila kabilang na si Jessica na parang hiyang-hiya naman sina Stell at Pablo.

Anyway, aabangan ang Green Bones lalo na at masasabing nalampasan nina Dennis at Ruru ang mga nauna nilang ginawa kung akting ang pag-uusapan.

Show comments