Mara Clara, magkalaban sa pasko
Nire-review na ng MTRCB ang mga pelikulang kalahok sa 50th Metro Manila Film Festival.
Ang ibang pelikula ay nag-effort na masunod ang gusto nilang rating, pero sinunod ng MTRCB ang sa tingin nilang karapat-dapat na rating.
So far, ang My Future You ng Regal Entertainment ang nabigyan ng General Patronage.
Parental Guidance (PG) naman ang ibinigay sa And The Breadwinner Is…, Green Bones, at Hold Me Close.
Binigyan ng R-13 ang Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital, ang Uninvited naman ay R-16, at ang Topakk ay R-18 at R-16 para sa SM Cinemas.
Nung huling nakatsikahan namin si Bryan Diamante ng Mentorque Productions, ang tinatarget daw sana nila ay R-13, dahil medyo maselan na tema ng pelikula. May kuwento raw ito ng revenge, corruption at incest. At bago ito for a Vilma Santos movie. Kaya na-challenge ang Star For All Seasons sa proyektong ito.
Ang isa pang nagulat kami ay ang ibinigay na R-18 sa Topakk ni Cong. Arjo Atayde.
Napag-usapan na namin ito ni Sylvia Sanchez dahil aminado siyang bayolente ang kanilang pelikula.
Pero may ginawa pala silang isang version na pang-R-16, para sa mapapanood sa SM cinemas.
“Sa lahat ng SM cinemas, R-16 po kami. Tapos outside SM cinemas, R-18 kami,” bulalas ni Sylvia.
“Same story pa rin, mga dugo lang talaga ang nabawas. Wala pong nabago sa istorya ng movie namin, hindi po nasakripisyo ‘yun. Medyo nabawasan lang ‘yung patayan, gilitan ng leeg, ‘yung mga dugo-dugo. Pero alam ko maraming mga Pilipino na gusto nila ‘yung matinding aksyon,” dagdag niyang pahayag.
Sa susunod na linggo ay ipapa-review pa ang Espantaho, The Kingdom at Isang Himala.
Samantala, buhay na buhay na at piyestang-piyesta ang dating ng pagsisimula ng promo ng MMFF entries.
Ang saya sa nakaraang Grand Media launch ng MMFF na ginanap sa Gateway nung nakaraang Biyernes.
Mas pinagkaguluhan doon sina Judy Ann Santos at Gladys Reyes. At ang dami talagang nakigulo na gustong magpa-picture kina Mara at Clara. Ngayon lang daw nila ulit nakita na magkasama ang original na Mara Clara.
Matagal na silang hindi nakikitang magkasama, pero nandiyan pa rin ang komunikasyon nila. “Ang maganda sa friendship kasi namin, kahit hindi kami magkita ng matagal na panahon, basta once na mag-ano kami parang walang ilangan, parang kahapon lang kami huling nagkita.
“Excited talaga ako na sa MMFF magkasama kaming dalawa (sa magkalabang pelikula),” pakli ni Gladys. “Sana someday,” dugtong naman ni Judy Ann.
Five years ago pa ang huling MMFF entry ni Judy Ann, at ibang-iba na raw ang labanan ngayon sa pagpo-promote. “Oo! Gulung-gulo ako! Pagod na ako charot! Hindi… pero masaya naman siya. Exciting pa rin naman talaga siya. Iba ‘yung energy, saka iba ‘yung vibe kapag nagpo-promote ka, especially for MMFF kasi nagkikita-kita kayo…ang gulo rin. Pero it doesn’t happen every year, hindi naman ako sumasali lagi sa MMFF. So, masaya pa rin siya,” napapangiting pahayag pa ng actress.
Nakikita namin kung gaano nila ka-miss ang isa’t-isa, nagkakayaan na raw silang dumalo sa premiere night ng kanilang pelikula.
“Invite na niya ako. Siyempre in-invite ko rin siya kung puwede siya, kasi siyempre baka nandun na ‘yan sa Batangas,” sabi ni Gladys.
Sabi pa ni Judy Ann, ang mga anak daw niya ang pinaka-excited sa MMFF dahil type raw talaga nila ang horror films, kagaya ng pelikula niyang Espantaho.
Kaya kakaiba ang selebrasyon ng kanilang Pasko.
Si Gladys ay wala silang Pasko dahil sa INC sila.
“Pero kami sa amin, kasi walang Pasko, Dec. 25 manononood kami ng mga anak ko kasi saka si Christopher,” sabi pa ni Gladys.
“‘Yun naman ‘yung tradition nila,” dugtong naman ni Judy Ann Santos.
Aicelle, dinepensa ni Ricky Lee
Sa sampung pelikula sa MMFF, tila naapi itong musical film na Isang Himala
na pinagbidahan ni Aicelle Santos-Zambrano.
Lahat sila singers siyempre, pero taga-theater. Kaya may kumuwestiyon bakit si Aicelle ang piniling gumanap na si Elsa sa pelikulang ito.
Puwede naman daw na mas may commercial appeal ang kinuha, halimbawa’y si Sarah Geronimo, si Nadine Lustre, o ang Asia’s Limitless Star na si Julie Anne San Jose.
Si Aicelle ba ang perfect Elsa para sa rock musical film na Isang Himala? “‘Pag may commercial appeal na, may dala-dala na siyang image sa consciousness ng tao,” paliwanag ni National Artist Ricky Lee.
“Hindi na siya every man. Siya na si Nadine, siya na si… kung sino man. Si Bea Alonzo.
“Pero si Aicelle, para siyang ordinary person na gaya natin na puwedeng paghimalaan.
“It can happen to you. It can happen to her. Si Nora (Aunor), iba. Hindi tayo Nora, e.
“Enigmatic si Nora, e. Chosen iyan, e.
“Mas may dark side. Mas ordinaryong tao kesa ‘yung kay Nora. Hindi nila pinilit na gayahin, pantayan. Iniba nila,” sabi pa ni Sir Ricky Lee.
Sa totoo lang, ito ang una kong panoorin dahil tiyak na ang mga sikat na pelikula ang uunahin ng mga tao sa sinehan.
- Latest