Vic napabilib kay Piolo, dumaan sa knife training
Seryoso ang naging paghahanda ni Bossing Vic Sotto para sa pelikulang The Kingdom na isa sa mga inaabangan sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024.
Kinailangan niyang mag-training ng knife and karambit (ayon sa Wikipedia - karambit is one of the weapons commonly used in pencak silat and Filipino martial arts) fight training.
Aminado nga si Bossing Vic na ibang-iba ang ginampanan niyang role sa The Kingdom kaya kailangan niyang gawin ‘yun.
“Marami akong tanong bago gawin ang movie. Malayo ito sa dati ko nang nagawa,” pag-amin ni Bossing sa ginanap na mediacon nito.
“Kailangang baguhin ko ang boses ko. Hindi ako puwedeng magsalita gaya sa Eat Bulaga,” dagdag pa niya.
Pero naging madali naman daw ang lahat dahil sa tulong ng kanyang mga kasama sa pelikula at ni Direk Mike Tuviera. “Lalo na si Piolo (Pascual), it was worth it.”
Ang pelikula na prinodyus ng APT Entertainment, Inc., M-Zet TV Productions at MQuest Ventures, Inc. ang unang pagsasama nina Bossing Vic at Papa P sa big screen.
May kabigatan nga rin ang istorya nito tungkol sa isang uncolonized Philippines na nasa ilalim ng isang monarchy na pinangungunahan ng haring si Lakan Makisig (Vic). Ginagampanan naman ni Piolo ang papel ni Sulo, isang outcast farmer na kalaunan ay magiging bayani sa paghahanap ng pagbabago ng mga nasasakupan ng kaharian ng Kalayaan.
Ani Vic, malaking factor si Piolo sa pagpayag niya na gawin ang The Kingdom.
Pag-amin ng komedyante, “Medyo na-shock ako. Medyo nagdalawang-isip ako, kasi it’s a serious film. Sabi nga ni direk, it’s a non-political political film. Parang I was asking myself, ‘bagay ba sa ’kin?’ And another question was ‘kaya ko ba ‘to?’ And then finally, medyo parang okay na sa ’kin, I asked them ‘sinong mga kasama, sinong cast?’ Sabi ni direk, we’re negotiating with Piolo Pascual. ‘Okay, go na tayo,’ sabi ko.
“It’s not every movie na, kasi we’re from different stations before, so we never had the chance to be together in one film. So this is one pagkakataon na hindi ko kayang palagpasin. At ‘yung bonding namin ni Piolo, I was asked before, ‘kumusta bonding n’yo?’ ‘Di kami nagba-bonding kasi ‘di ko siya kilala, eh. ’Yung character niya, as Lakan, I don’t know him. Wala siya, tinatwa ito, eh. Tinatwa is, in English, outcast. So, wala akong pakialam sa kanya. It just so happens ‘pag malapit nang… ‘yung climax ng istorya, du’n kami magtatagpo, doon kami nag-bonding. Sumobra ang bonding namin. Rurok na ‘yung aming bonding,” mahabang kwento pa ni Bossing Vic.
Kaya’t naging instant fanboy pa nga raw siya ni Papa P dahil aniya, “Napatunayan ko that he is a seriously good actor.”
Sa isang sequence umano nila na magkasama, pinanood niya si Piolo habang wala siyang take.
“Medyo nag-fanboy mode ako. Totoo ‘yon, totoo, totoo. Pinapanood ko lang siya. Ang galing! Ang hahaba ng dialogue pero hindi siya nagkakamali. Ako, kapiraso lang, nagba-buckle pa, eh. ‘Yun, ‘yun ang napatunayan ko na seriously good actor. Not just a good actor, he is a good person, in and out. Magaling ito!” papuri pa ng film icon sa first-time co-star na dream niyang makasama sa isang comedy movie.
Kasama rin nila sina Cristine Reyes, Sue Ramirez, Sid Lucero, Nico Antonio at batang si Zion Cruz.
Nakakamangha ang visual nito na nagbibigay-buhay sa isang alternatibong kasaysayan ng Pilipinas.
- Latest