Jillian, hindi sanay magpakilig
Nakapagpahinga na si Jillian Ward mula nang magtapos ang ‘Abot Kamay Na Pangarap’ noong isang buwan. Maraming mga bagay na ang nagawa ngayon ng aktres sa kanyang personal na buhay nang magwakas ang naturang serye. Mahigit dalawang taong napanood si Jillian sa proyektong ito ng GMA Network. “Nakapagpakulay ako ng buhok. Medyo mas busy po ako ngayon sa ibang mga bagay. Nagda-dance class ulit ako, nagpa-firing ulit ako. Kahit saglit lang na-enjoy ko po siya,” nakangiting pahayag ni Jillian sa 24 Oras.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay gagawa ng isang romantic-comedy series ang Kapuso actress. Ayon kay Jillian ay ibang-iba ang tema ng bagong proyekto kumpara sa kanyang mga nagawa sa nakalipas na dekada. “Bilang child star, mga roles ko po talaga growing up is more on drama, family drama. Tapos wala po masyadong mga ka-pair or romance sa story. Medyo nag-start lang po no’ng ‘Abot-Kamay,’” paglalahad ng dalaga.
Si Michael Sager ang makakatambal ni Jillian sa bagong serye. Matatandaang nagkatrabaho rin ang dalawa sa ‘Abot Kamay Na Pangarap.’ “Medyo naka-help din po ‘yon kasi siyempre naka-work ko na po siya. So medyo mas kumportable na rin po. Pero ayun na nga, kinakabahan pa rin ako. Kasi hindi ako sanay talaga sa mga kilig-kilig na eksena. Sa lahat ng characters na nagawa ko, ito ‘yung pinaka-challenging. Mostly physical po pero mentally challenging po siya,” paliwanag ng dalaga.
Julia, hinugot ang acting mula sa mga katrabaho
Mapapanood na simula ngayong araw sa Prime Video ang ‘Saving Grace’ na pinagbibidahahan nina Sharon Cuneta at Julia Montes. Para kay Julia ay talagang malapit sa kanyang puso ang bagong online series. “Emotionally nag-prepare kasi napaka-espesyal ng project na ‘to. Kumbaga sa kasabihan nga medyo close to home. Sa preparation part kung paano siya iarte, humuhugot lang ako sa co-actors ko talaga,” pagbabahagi ni Julia.
Kaabang-abang umano ang bawat eksena sa bagong proyektong mula ABS-CBN Studios at Nippon TV. Ang ’Saving Grace’ ay ang Philippine adaptation ng Japanese series na ‘Mother.’ Tampok din sa naturang serye sina Janice de Belen, Jennica Garcia, Christian Bables at Sam Milby. “Lahat ng scenes sobrang tatak, sobrang importante, sobrang mahalaga. I can say siguro when you watch ‘Saving Grace,’ there’s a part of you na nahe-heal. For me, playing the role of Anna, may nahe-heal sa akin na akala ko wala na, akala ko okay na,” makahulugang pahayag ng aktres. (Report from JCC)
- Latest