BINI, natakot sa pepito; kalaban ni Chelsea, nabawasan pa!
Super typhoon na ang bagyong Pepito (international name: Man-yi) ayon sa PAGASA kung saan Signal number 5 sa Catanduanes at Camarines Sur kahapon habang sinusulat namin ito.
Iniulat ng PAGASA na ang sentro ng mata ng Super Typhoon Pepito ay tinatayang nasa 185 kms silangan ng Catarman, Northern Samar o 250 kms silangan ng Juban, Sorsogon.
Kumikilos daw ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 kph, taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 185 kph.
Gayundin, ang malakas na hangin hanggang sa bagyo ay inaasahang aabot palabas hanggang 440 kms mula sa gitna.
At sinasabing tatama ito sa Metro Manila na magla-landfall sa pagitan ng umaga at tanghali ngayong Linggo – category 5.
Kaya maghanda ng pagkain, mga flashlight, kandila at i-charge ang inyong mga device dahil baka mag-brownout.
Anyway, mabilis na naglabas ng advisory ang ABS-CBN na ang Grand BINIverse concert na nakatakda ngayong araw ay gaganapin na lamang sa Martes (Nob. 19) para masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Sinabi nilang magagamit ang lahat ng Day 2 tickets sa Nob. 19 sa Araneta Coliseum at sa mga hindi makakapunta sa Nob. 19, pwedeng makipag-ugnayan sa Ticketnet para sa refund.
Habang ang mga bumili ng iWantTFC passes para mapanood ang concert sa livestream, magagamit pa rin ang passes sa Martes (Nob. 19).
Natuloy naman kagabi ang Grand BINIverse concert at Lunes (Nob. 18).
Sinabi nilang bahagi ng kikitain mula sa Grand BINIverse concert ay ido-donate sa ABS-CBN Foundation para makatulong sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Samantala, in all fairness, tuluy-tuloy ang tagumpay sa takilya ng Hello, Love, Again na umani na ng makasaysayang P245 million sa ticket sales sa loob ng tatlong araw. Ito ay kahit may mga unfavorable review na kesyo mas bongga ang kuwento ng naunang Hello, Love, Goodbye.
Kumita ang pelikulang pinagbibidahan nina Kapamilya actress Kathryn Bernardo at Kapuso actor Alden Richards ng P90 million sa ikatlong araw (Nob. 15) nito, ang pinakamalaking single-day box office gross para sa isang local film.
Nawa’y hindi maaapektuhan ng bagyong Pepito ang kita nito sa mga susunod na araw.
Ngayong gabi sa Mexico naman gaganapin ang coronation ng 73rd Miss Universe na nakatakdang ipalabas ng ABS-CBN sa A2Z Channel 11, Kapamilya Channel, Metro Channel, at iWantTFC simula 9 a.m. (oras sa ating bansa).
Malakas ang pambato ng Pilipinas na si Miss Universe Philippines 2024 Chelsea Manalo, ang kauna-unahangng Pinay representative na may Afro-American descent.
Masungkit kaya niya ang korona bilang Miss Universe?
Nabawasan ng kalaban si Chelsea, umatras ang pambato ng South Africa na si Mia Le Roux.
Ang isa pang kandidata na boluntaryong umatras ay ang kinatawan ng Kosovo na si Edona Bajrami. Na-injure raw ito sa kaliwang paa sa isang preliminary competition.
Napabalita namang pinatalsik ang Miss Universe Panama na si Italy Mora matapos umano itong gumawa ng hindi aprubadong pagbisita sa hotel room ng kanyang boyfriend.
Sana ay may signal sa cable channel at hindi mawalan ng internet dahil sa bagyong Pepito para mapanood ang laban ng ating pambato sa Mexico.
- Latest