Marco, kinukwestyon pa rin ang nangyari sa namatay na apo
Sumikat nang husto ang kantang Si Aida, Si Lorna, O Si Fe ni Marco Sison ilang dekada na ang nakalilipas. Ang mensahe ng naturang kanta ay tungkol sa isang lalaking nalilito kung sino ang pipiliin at iibigin sa tatlong babaeng napupusuan. Nangyari raw ito kay Marco sa tunay na buhay. “Oo, noong bata pa ako. Siyempre kapag bata ka, nanggaling ka sa probinsya, tapos nag-iba bigla ‘yung paligid mo,” natatawang bungad sa amin ni Marco sa Fast Talk with Boy Abunda.
Mayroong payo ang OPM singer para sa mga kabataan ngayon na may kaparehong sitwasyon na kanya namang nalampasan. “Ang payo ko, ito galing sa experience ko ito. Ako siyempre mahilig ako sa babae eh, noon ‘yon no’ng bata pa ako. Huwag gano’n, hindi dapat gano’n. Siguro dapat ay hinay-hinay lang, dahan-dahan lang. Siguro one relationship at a time. One at a time, mahirap na marami kang masasaktan. Kasi ako noon, nagkakaroon nang sabay-sabay kasi lahat wine-welcome mo, parang gano’n. Dala ‘yon ng aking kabataan at saka ‘yung aking pagiging probinsyano na nanibago bigla, overwhelmed ako,” pagtatapat niya.
Samantala, Marso nitong taon nang pumanaw ang 17 taong gulang na apo ni Marco na si Andrei Sison dahil sa isang vehicular accident. Hanggang ngayon ay hindi pa raw lubos na maunawaan ng singer kung bakit ito nangyari sa kanyang mahal sa buhay. “Hindi pa, hinihintay ko pa. Dapat meron talagang may mangyaring iba na connected doon sa nangyari sa apo kong iyon. ‘Yon nga eh, anong reason, bakit ganoon? Ano ang nangyayari at bakit nangyayari? So hinihintay ko ‘yung reason na ‘yon,” makahulugang pahayag ng singer.
Ogie, bilib na hindi yumayabang ang BINI
Napabalitang ipinamili ni Ogie Alcasid ng makeup ang walong miyembro ng BINI sa Los Angeles, California nang magkita roon para sa ginanap na ASAP show noong Agosto. Natutuwa umano ang singer-songwriter sa narating ng naturang girl group. Kasagsagan pa ng pandemya nang makasalamuha ni Ogie ang BINI na nagla-livestream daw noon. “I saw them kasi from the very beginning and then I remember no’ng pandemic, minsan dumadaan ako doon (para mag-donate). Tapos nakikita ko sila. I would just give because natutuwa ako sa kanila. I think there’s a certain fondness for them that I have and when they became this popular, I was just so proud and happy for them and I mean that in all honesty. So when I did that little treat for them, it’s just my way of saying thank you,” nakangiting kwento ni Ogie.
Magiging espesyal na panauhin ang BINI sa Ogieoke 2 Reimagined concert na gaganapin sa Newport Performing Arts Theater sa Nov. 30. Ayon kay Ogie ay agad na pinaunlakan ng tinaguriang Nation’s Girl Group ang kanyang imbitasyon para sa concert. “There are groups who are not easy to talk to but BINI, they remained humble. They remained just so loving and so generous of themselves. I just want to send my appreciation to them,” paglalahad ng singer-songwriter. — Reports from JCC
- Latest